top of page
Pokwang.jpg

‘No homework policy’, pag-aralan muna kung uubra!

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 5, 2019
2 min read

SA loob ng mahabang panahon, ang home­work, assignment o takdang-aralin ay parte na ng sistema ng edukasyon ng estudyante sa buong bansa.

Isa lamang ito sa napakaraming pamamaraan ng pagtuturo at pagkatuto.

Ito ang mga ipinagagawa ng guro upang pag-aralan pa nang mas maigi at masinsinan ang mga babasahin, sulatin o essay mula sa pinag-usapang paksa sa klasrum, Math solving problems na kailangang masagutan, proyektong kailangang tapusin at iba pang mga gawain.

Lahat ng ito ay ibinibigay sa kanila upang madagdagan ang kanilang kaalaman at mahasa rin ang abilidad at kasanayan ng mga ito.

Ngunit, sa kabilang banda, may mga magu­lang ang lumalapit sa paaralan ng kanilang anak upang iparating na marami ang kanilang mga na­u­uwing aralin at gawain, kaya naman nababa­wasan at naaapektuhan ang kanilang oras sa pamilya upang makapagpahinga o maglaro at mag-enjoy.

Sa pagtugon dito, isa sa mga aksiyong gi­nawa noon ng Department of Education (Dep­Ed) ay magsagawa ng memorandum na nagla­layong tanggalin ang pagbibigay ng mga tak­dang-aralin tuwing weekend para masulit ang natatanging oras para gumawa ng anumang aktibidad ang mga estudyante maliban sa pag-aaral.

Sa positibong pananaw naman, ayon kay Dr. Alfonso Pacquing ng University of the Phi­lippines (UP), ang mga guro ay may karapatang gumamit ng anumang paraan ng pagtuturo na tiyak makatutulong upang maunawaan ng estudyante ang mga konsepto ng leksiyon tulad ng nakasaad sa Section 12 na Academic Free­dom ng Republic Act No. 4670 o Magna Carta for Public School Teachers.

Sa pamamagitan ng takdang-aralin, naiha­handa ang mag-aaral sa susunod na araw ng pag-aaral ng paksa at nabibigyan ang mga ma­gulang ng pagkakataong makilala ang husay at kahinaan ng kanilang anak.

Ngayon, isa sa mga usapin sa publiko ang imi­numungkahi na pagsasabatas na “no home­work policy” kung saan mayroong mga pabor at mayroon ding hindi pabor.

Anuman ang kanilang mga pinanggagali­ngan, naniniwala ang inyong lingkod na ang ba­lanse sa pag-aaral at personal na oras ang dapat nating hangad para sa mga mag-aaral, lalo na mula kindergarten hanggang high school.

Ang mga guro ang nakaaalam at makapag­sasabi kung ano at gaano karami ang homework na ibibigay sa kanilang mga estudyante upang mahikayat ang magandang disiplina sa pag-aaral at maitaguyod ang pag-unlad sa intelek­tuwal nitong aspeto.

Dahil dito, tayo sa Senado ay pag-aaralan munang maigi ang nasabing mungkahi.

Alam na­ting ang pinakamahalaga ay ang mabisang sistema ng pag-aaral ng kabataan na magre­resulta sa mas makabuluhan nilang pag­katuto.

Kaya, kailangan nating himay-himayin ang bawat impormasyon, detalye, panukala at higit sa lahat, ang panig ng mga guro, magulang at mag-aaral tungkol sa paksang ito bago pa man tayo gumawa ng anumang hakbangin.

Habang ginagawa natin ito, ang isa sa mga dapat din nating bigyan ng prayoridad ay ma­tiyak na ang K-12 kurikulum ay updated at naaayon sa pangangailangan ng industriyali­sas­yon upang malutas ang suliranin sa job mis­match and underemployment.

Patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa Dep­Ed at iba pang sektor at organisasyon para ma­isa­katuparan ang mga nararapat gawin para sa kapakanan ng kabataan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page