Polio, ‘wag nang hintaying bumalik bago umaksiyon

Hindi pa man nasosolusyunan ang dengue at leptospirosis, polio naman ang dapat tutukan ng gobyerno.
Pagkalipas ng 19 taon nang ideklarang polio-free ang Pilipinas, nangangamba ang Department of Health (DOH) na muling bumalik ang sakit sa bansa.
Ito ay matapos magpositibo ng isang imburnal sa Maynila sa vaccine-derived poliovirus na lumalabas sa dumi ng mga batang nabakunahan kontra polio. Gayundin, hindi umano dapat hayaang makapasok sa katawan ng tao ang naturang virus.
Kaugnay nito, pinag-iingat ng DOH ang publiko laban sa poliovirus na maaaring makuha sa maruruming kapaligiran.
Dagdag pa ng ahensiya, maaari itong kumalat sa pagkain o inumin na kontaminado ng dumi ng may impeksiyong tao.
Gayunman, dahil nakukuha ang poliovirus kapag may naisusubong kontaminadong dumi, isa sa mga isinusulong ng DOH ang swimming ban sa Manila Bay dahil kapag lumangoy ang mga bata, partikular ang mga walang bakuna kontra polio at nakalunok ng tubig, malaki ang posibilidad na makakuha sila ng sakit.
Ilan sa mga sintomas ng polio ay lagnat, pagtatae at pananakit ng ulo at katawan habang ang sinumang magkakaroon nito ay maaaring manghina, malumpo, habambuhay na maparalisa o mamatay.
Samantala, para mapanatiling polio-free ang bansa, target ng ahensiya na mabakunahan ang 95% ng mga batang nasa edad 5 pababa pero, noong 2018, 66% lang ang nabakuhanan dahil lumabas sa pag-aaral na bumaba ang tiwala ng mga magulang sa bakuna na mula sa 80%, bumaba ito sa 32%.
Kunsabagay, hindi natin masisisi ang mga magulang na matakot sa pagpapabakuna ng kanilang mga anak dahil sa kontrobersiya ng Dengvaxia.
Sa totoo lang, hindi dapat isnabin ang babala ng ahensiya hinggil sa polio dahil nakamamatay ito kaya panawagan sa mga magulang, huwag na nating hintayin na muling bumalik ang sakit bago gumawa hakbang para maiwasan ito.
Bukod sa pagpapabakuna kontra polio, dapat nating panatilihing malinis ang katawan at kapaligiran dahil ‘ika nga, prevention is better than cure!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments