Mga diabetic, delikadong masugatan sa paa, napuputulan
- Dr. Shane Ludovice, M.D.
- Sep 4, 2019
- 1 min read

Dear Doc. Shane,
Ako ay construction worker at hindi ko napansin na nagkaroon ako ng sugat malapit sa aking hinlalaki. Mahigit isang linggo na ito at kahit ginagamot ko ng betadine ay hindi pa rin gumagaling, bakit kaya ganu’n? — Erick
Sagot
Ang mga sugat sa paa na hindi gumagaling o sobrang tagal bago gumaling ay isa sa mga palatandaan sa pagkakaroon ng diabetes. Ang mga taong may diabetes ay nagkakaroon ng problema sa pakiramdam sa mga paa kaya kahit nasusugatan na ay hindi nila napapansin. Nagkakaroon din sila ng problema sa pagdaloy ng dugo kaya lalong tumatagal ang paggaling ng sugat. Dahil matagal bago gumaling, kadalasan ay nagkakaroon ng bacterial infection ang sugat na lalong nagpapalala rito. Kapag ito ay napabayaan, maaari itong mauwi sa pagkabulok ng sugat na maaaring mangailangan ng pagputol o amputation.

Para sa mga diabetic, mahalaga ang pangangalaga sa mga paa. Una, palagi itong hugasan at patuyuing mabuti. Inspeksiyunin, araw-araw kung mayroong sugat. Pangalagaan ang mga paa para hindi ito magkasugat at para maiwasan ang pagkaputol nito.
Gayunman, hindi ninyo nabanggit kung kayo ay may diabetes kaya makabubuti kung maglalaan kayo ng panahon para magpakonsulta sa doktor at makapag-request ng blood test para malaman kung kayo ay may diabetes.




Comments