Faeldon, puro mga high-profile preso ang pinalaya

NAGSIMULA na ang pagdinig sa Senado hinggil sa kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law kung saan libu-libong convicted murderers, rapists at drug lords ang may pag-asang makalaya dahil nabawasan ang kanilang sentensiya.
Kabilang sana si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa mga makalalaya, pero dahil sa matinding galit at batikos na inabot ng gobyerno, iniatras ito at ngayon ay iniimbestigahan kung bakit napalaya ang mga kriminal na hindi umano saklaw ng GCTA at dapat panghabambuhay nang nakakulong.
Samantala, ang sentro sa kontrobersiya ay walang iba kundi si Nicanor Faeldon, ang kasalukuyang Bureau of Corrections (BuCor) chief. Ayon sa ulat, ilang Chinese drug lords at tatlo sa mga suspek ng Chiong murder case ang kabilang sa mga napalaya sa ilalim ni Faeldon. Gayundin, may balita na maging ang mga tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima ay kasama sa mga nakalaya.
Ayon kay Faeldon, sinunod lang daw niya ang kalakaran hinggil sa pagpapatupad ng GCTA. Pero, ang nakapagtataka, bakit “high-profile” na preso lang ang mga dumaan sa proseso?
Hindi ba, galit ang kasalukuyang administrasyon sa iligal na droga? Bakit pati ang mga drug lord, nakalaya?
◘◘◘
Ngayon, ang panibagong sakit ng ulo ng gobyerno ay ang ipinahayag nila na kailangang ibalik sa kulungan ang mga pinalayang convicted murderers, rapists at drug lords dahil hindi naman daw sila karapat-dapat makinabang sa GCTA. Pero, may mga abogadong nagsasabing hindi na puwedeng bawiin ang desisyon, paano ngayon ‘yan? Sino ba talaga ang dapat masunod?
Isipin na natin kung ano na lang ang pinagdaraanan ng pamilya ng kanilang mga biktima. ‘Yan ba ang tinatawag nilang hustisya?
Nakadidismaya na makalalaya ang mga kriminal, pero ang nasirang pangarap at buhay ng mga biktima, kailanman ay hindi na maibabalik pa! Mapapailing na lang talaga tayo sa kakaibang hustisya na mayroon ang ating bansa.





Comments