Para hindi sumakay kung saan-saan | Mga pasaway na komyuter, huhulihin

KAPAG trapik, reklamo tayo nang reklamo. Kapag may ginagawang hakbang ang pamahalaan, hindi naman tayo sumusunod. Ano ba talaga?
Hindi pa rin nawawala ang mga pasaway na pasahero na kung saan-saan naghihintay ng masasakyang bus, jeep at UV Express sa Commonwealth Avenue na nagiging sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko sa lugar.
Dahil dito, nagbabala ang Quezon City Task Force for Transport and Traffic Management na huhulihin ang mga pasaherong hindi sumasakay sa tamang sakayan.
At sa kabila ng pagpapaalala ng task force ng tamang sakayan, dedma rin ang mga tsuper na patuloy sa pagsasakay ng mga pasahero kung saan-saan.
Gayunman, aminado ang task force na mahirap baguhin ang nakasanayan kaya araw-araw na silang nag-o-operate dahil kapag madaling-araw, kung saan-saan sumasakay ang mga pasahero at kapag umaga lamang sumusunod ang mga ito dahil may mga nagmo-monitor.
Kaya para maiwasan ito, nagbigay-babala ang task force na manghuhuli na sila ng mga pasaway na pasahero at hiningi ang tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para tiketan ang mga ito nang dahil sa jaywalking.
Gayundin, pinulong na ng pamahalaan ng Kyusi ang mga operator ng city buses na dumaraan sa Commonwealth Ave. para paalalahanan ang mga drayber na sa tamang bus stop lamang huminto.
Ang problema, alam nating hindi madaling solusyunan ang malalang trapik, tuloy pa rin tayo sa pagpapasaway at pagdedma sa mga batas-trapiko. Tsk-tsk-tsk!
Sa totoo lang, wa’ ‘wenta ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para solusyunan ang problema sa trapik kung tayong mga komyuter ay sakit din ng ulo at walang disiplina.
Kaya pakiusap sa lahat, kung ayaw nating maabala sa biyahe, huwag tayong maging abala sa iba pang bumibiyahe!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments