Pantay na karapatan sa edukasyon para sa normal at special children
- BULGAR

- Sep 3, 2019
- 2 min read

AYON sa isa sa mga sumulat ng aklat na “Teaching and Learning in the 21st Century: New Solutions to New Problems” na si William Glasser, pare-pareho lamang ang mga pangangailangan ng tao.
Kabilang dito ang kahalagahan para sa mga mag-aaral na mabuhay nang maayos, mapayapa at maging ligtas mula sa kapahamakan — sa loob at labas ng paaralan at tahanan.
Upang makamit nila ito, kailangang mapunan ang pangunahing pangangailangan nito.
Sa loob ng klasrum, hindi maiiwasang may mga pagkakaiba-iba ang mga estudyante pagdating sa kanilang pag-aaral tulad ng pisikal, pinansiyal, emosyunal, panlipunan at sikolohikal nilang kondisyon. Ito ang tinatawag nating diversity of learners.
Kaya ang hamon sa ating mga guro ngayon, kilalanin at unawain ang kanilang mga estudyante at lubos na ipadama sa kanila ang pagtanggap at pagmamalasakit.
Sila ang nakaaalam ng kahinaan, galing, abilidad at pag-uugali ng kanilang mga estudyante na maaari nilang gamitin bilang oportunidad upang matulungan ang mga ito na madiskubre ang kanilang mga kakayahan, kaalaman at kapasidad para makapamuno at maibahagi rin ito sa iba.
Ang iba sa kanila ay may taglay na pangangailangan sa pisikal (bingi, bulag o orthopedic impairment), cognitive (tulad ng autism o intellectual handicaps), psychological (anxiety disorder, attention deficit, hyperactivity disorder) at komunikasyon (speech impairments o speech-based developmental disorder).
Ang iba naman ay mayroong mas mababaw o higit pang aspeto ng pangangailangan bukod sa mga nabanggit.
Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga mag-aaral, walang bata ang dapat mapagkaitan ng karapatan sa de-kalidad na edukasyon.
Ito ay dapat naaayon sa kanyang abilidad at oportunidad na mapagtibay ang kanyang mga kakayahan upang maabot ang pinakamataas na kapasidad para sa sarili at maging sa kanyang kapwa.
Bilang mambabatas, tayo ay nagsumite ng panukalang-batas ngayong ika-18 Kongreso na Senate Bill No. 171 o Inclusive Education for Children and Youth with Special Needs Act upang maipagpatuloy sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang ating naumpisahang pagpapatayo ng mga resource center para sa mga estudyanteng may espesyal na pangangailangan.
Patunay nito ay ang itinayong pasilidad sa Valenzuela City Special Education o ValSPED.
Tungkulin ng pamahalaan na magkaloob ng pantay na edukasyon sa mga mag-aaral. Ang edukasyon na libre, de-kalidad at inklusibo ay para sa lahat kung saan walang batang mapag-iiwanan at wala dapat makahadlang sa kanilang katayuan, kasarian, sosyal at kapansanan na pagkakaiba-iba.
Higit sa lahat, lubos na makatutulong ito sa kanilang pag-aaral at pakikisalamuha sa iba. Espesyal man o hindi, anuman ang pagkakahambing o pagkakaiba, ang bawat isa ay may parehong karapatan, prebilehiyo at pagkakataong maranasan ang magandang edukasyon.
Kaya naman, alang-alang sa kapakanan ng mga bata at kabataang may partikular na pangangailangang pampisikal, emosyunal at kaisipan, bilang lingkod-bayan ay katuwang tayo sa pagkakaloob ng pantay at patas na oportunidad upang maibahagi ang mga pangangailangan sa edukasyon ng kabataan. Pagtulung-tulungan nating makamit ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments