top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

2 traffic enforcers tiklo sa kotong

  • Janice Baricuatro
  • Sep 3, 2019
  • 1 min read

INARESTO ng Tagaytay Intel Police ang dalawang traffic enforcers at isa pang kasama sa ikinasang entrapment operation sa loob mismo ng traffic outpost sa Bgy. Crossing Silang East, Tagaytay City, kamakalawa.

Kinilala ang mga suspek na sina Romualdo Caparas, 30, residente ng Bgy. Mag-Asawang Ilat, traffic enforcer; Irvin de Guzman, 36, ng Bgy. Francisco, traffic enforcer at Edgardo Laurel, Jr., 33, tricycle driver, residente ng Bgy. Tolentino West.

Sa imbestigasyon ni PMSg. Jude Camitan, alas-4:00 ng hapon nang magtungo sa kanilang himpilan ang biktimang si Vincent Alvarez, 23, resort staff upang humingi ng tulong hinggil sa panghuhuli umano sa kanya ng mga suspek.

Ayon dito, alas-10:30 umano ng umaga nang harangin siya ng dalawang traffic enforcers at isa pang kasama ng mga ito at hinuli siya sa hindi pagsusuot ng helmet.

Nabatid na tiniketan pa umano siya ng mga ito at sinabihang magpunta sa outpost ng alas-4:30 at magdala ng halagang P1,000 kapalit ng lisensiya nito.

Rito na nagtungo sa pulisya ang biktima at humingi ng tulong kaya agad nagplano ng entrapment ang Intel operatives at alas-4:30 ng hapon ay nagtungo ang biktima sa nasabing outpost.

Nadatnan nito ang tatlong suspek na naghihintay sa loob at dito niya inabot ang halagang P1,000 na hinihingi ng mga suspek.

Pag-abot ng mga ito sa pera ay dito na sila dinakma ng mga nakatagong pulis at inaresto.

Nahaharap sa patung-patong na kaso ang mga ito at nanganganib na matanggal sa puwesto ang dalawang traffic enforcers.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page