top of page

Iba't ibang palatandaan na fertile ang babae

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Sep 2, 2019
  • 2 min read

Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Walong buwan na kaming kasal ng asawa ko, pero hindi pa rin kami nagkaka-baby. Ano ba ang mga palatandaan kung fertile ang babae? Gusto na naming magka­anak dahil 30 years old na ako. — Jing

Sagot

Kung gusto nang magkaanak, mahala­gang malaman kung kailan fertile at kailan hindi. Para mabuntis, ang pag-oobserba sa tamang panahon ng pakikipagtalik ay maka­tutulong para mapataas ang posibilidad na mabuntis.

Narito ang ilan sa mga paraan para malaman kung fertile ang babae:

  • Mucus sa ku­welyo ng matris o cervical mucus. Ang dami at hitsura ng mucus na lumalabas sa kuwelyo ng matris ay nag-iiba sa kabuuan ng buwanang siklo. Sa oras na ma­tapos ang buwanang dalaw, mapapansing daraan ang ilang araw na halos walang mucus na lalabas. Sa pagka­kataong ito hanggang sa panahon ng ovulation ay mag-iiba ang kulay at texture ng mga lalabas na mucus, puti at malapot ito hanggang sa magbago ito sa pagiging transparent at madulas. Kung mapa­pansing ito ay tulad ng puti ng itlog, ito ang palatandaan ng fertility.

  • Alamin ang posis­yon ng kuwelyo ng matris. Sa kabuuan ng buwanang siklo, ang cervix ay nagbabagu-bago ng posisyon. Obserba­han ito pagkatapos ng buwanang dalaw at obserbahan sa kapa­rehong oras, araw-araw. Maaaring malaman ang posisyon nito sa pa­mamagitan ng pag-upo sa toilet o pag-squat at pagtaas ng isang paa sa toilet. Maaaring kapain ito sa loob ng puwerta, ito ay hugis tulad ng maliit na lata ng softdrinks.

Ito ba ay mataas o mababa? Sa pagsisi­mula ng siklo at pag­tatapos ng ovulation, ang cervix ay nasa maba­bang posisyon. Pero, bago ang ovulation, ito ay nasa ma­taas na posis­yon. Tandaan, kung nahi­hirapan abutin ang matris, ito ay nasa mataas na kalagayan.

  • Init ng katawan o basal body temperature. Ang basal body temperature ay sukat ng init sa katawan kapag nagpapahinga o bago gumawa ng anumang bagay, kasama ang pagsasalita o paglalakad. Sa unang bahagi ng buwanang siklo, ang temperatura ng katawan ay mababa at mada­ragdagan ng 0.4 hang­gang 0.8 F pagdating sa araw ng ovulation.

  • Sakit na dulot ng ovulation. Ang sakit ay nararamdaman kung saan banda lumalabas ang itlog. Ang masakit na pakiramdam ang gina­gamit ng ilang babae para malaman kung kailan sila dapat maki­pagtalik nang ligtas o kung kailan sila maaaring mabuntis.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page