Sanla ATM ng mga nangungutang, hindi safe!
- Ryan B. Sison
- Sep 1, 2019
- 1 min read

UTANG, ‘yan ang isa sa mga dahilan kaya marami sa ating mga kababayan ang hindi pa rin nakaaahon sa kahirapan.
‘Yung tipong kahit nagtatrabaho ka naman pero balewala dahil ipinambabayad mo lang din ito sa mga utang.
Nakalulungkot, pero paraan din ito para maka-survive tayo sa hirap ng buhay.
Kaya hindi rin natin masisi ang ilan kung bakit kung anu-ano nang paraan ang kanilang ginagawa para lang makahiram ng pera upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Gayunman, pinayuhan ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang mga tauhan na iwasan ang mangutang ng pera kapalit ang pagsasanla ng kanilang ATM.
Ito ay kasunod sa abiso ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang “Sanla ATM scheme” umano ay prone sa identity theft, kaya para maiwasan ang ganitong klase ng insidente ay sumunod na lang tayo sa mga kinauukulan.
Dagdag pa rito, hindi maganda kung ang gagamiting loan collateral ay ATM cards at mas mainam kung sa mga lehitimong financial institution na lamang manghiram ng pera kung talagang kinakailangan.
Samantala, kung makasasanayan din nating magsanla ng ATM cards, maaaring lalo tayong mababaon sa utang dahil alam nating mayroon tayong puwedeng kunan ng pambayad.
Gayundin, kung gusto nating umasenso, magtipid at iwasang bumili ng mga bagay na hindi naman prayoridad para maiwasan ang utangan at kagipitan.
Tandaan, ang hindi marunong lumingon sa pinag-utangan ay hindi na makauulit, kailanman!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments