top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Mga kulay sa pulitika, ilang dekada nang nagsimula

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 1, 2019
2 min read

PULA, dilaw, asul, berde, puti at iba pa, ano ba ang kulay ng mama­mayan? Dapat bang maging problema ang kulay?

Sinakop ng mga Ingles ang maraming bahagi ng Africa kaya ipinanganak dito ang “apartheid” at “slave trade” naman sa maraming bahagi ng Africa at India. Mababa ang tingin ng mananakop sa kanilang nasasakupan tulad ng tawag sa atin ng mga Amerikano noong American regime, “our little brown brothers and sisters.”

May diskriminasyon ba sa pagtatangi ng kulay? May kulay ba ang kayamanan at kapang­yarihan; kahirapan at kahinaan; karunungan at kamangmangan; kabanalan at kasalanan?

Sino ba ang nagpa­pasya o nagbibigay ng kahulugan sa kulay ng pulitika? May kulay ba ang pulitika? Kung meron, sino ang pasimuno at paano ito nangyari?

Noong Miyerkules, dumalo tayo sa presscon na ang paksa ay “Church Workers, Social Action — Church of the Poor and Red-tagging.”

Ano ang red-tagging? Nauso ito noong panahon ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. Hindi dilaw kundi pula ang tinaguriang kaaway ng estado (enemy of the state). Lahat ng kaguluhan noon ay ibinibintang sa mga komunista kahit ang mamamayan na walang kinalaman sa CPP-NPA-NDF basta nagsasalita at tumututol sa mga abuso at maling pamamalakad ng estado ay binabansagan agad na mga “pulahan”. Kahit ang taga-Simbahan tulad ng mga Obispo, pari, madre at hermano ay tinatawag na pulahan at maging ang kabataan na aktibong lumahok sa mga rally o protesta ay kinukunan ng larawan at inililista ang pangalan sa naturang “Order of Battle.”

Malinaw na ibinabalik ng kasalukuyang pama­halaan ang ganitong patakaran. Napakaraming napahamak, napatay at nakulong dahil dito. Hindi ba, ganito ang dahilan ng pagkamatay ni Fr. Tito Paez na tumulong lang ilabas sa piitan ang umano’y communist supporter?

Kamakailan, nilagdaan nina Bishop Patricio Buzon ng Bacolod, Bishop Gerardo Alminaza ng San Carlos, Bishop Julito Cortes ng Dumaguete, Bishop Louie Galbines ng Kabankalan at Bishop Jaime Florencio ng Military Ordinariate ang isang Memorandum of Understanding na bumubuo ng Church-Military-Police Forum upang simulan ang palagiang pag-uusap upang matigil na ang red-tagging at karahasan sa kani-kanilang mga diocese.

May kulay din ang Ebanghelyo, hindi dilaw o pula, hindi puti o itim. Ito ay kulay tao — kulay ng puso at dugong dumadaloy mula rito. Ganito rin ang kulay ng pulitika, ang kulay ng ambisyon, kasakiman at karahasan.

Kung titingnan natin ang mukha ng marumi, sinungaling at marahas na pulitiko, lalo na ang kanyang mga mata, wala itong ningning, kulay at buhay, ito ang resulta ng maling pulitika.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page