Kaalaman tungkol sa contribution penalty condonation program

Dear SSS,
Magandang araw! Ano ba ang tinatawag na contribution penalty condonation program at para kanino ito? — Laila ng Cabanatuan
Sagot
Napapanahon ang iyong katanungan. Ang Contribution Penalty Condonation Program (CPCP) ay program para sa mga employer kabilang ang employer ng mga kasambahay na mayroong hindi nabayarang kontribusyon ng kanyang dati o kasalukuyang empleyado.
Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga employers na hindi nakapag-remit ng kontribusyon na bayaran ang hindi naihulog na kontribusyon ng kanilang manggagawa at hindi na sisingilin ang multang ipinapataw kaugnay sa hindi pagre-remit ng kontribusyon. Ibig sabihin, hindi na siya magbabayad ng 2% multa kada buwan sa hindi pagre-remit sa SSS.
Ang CPCP ay isa sa mga bagong probisyon na bunga ng pagsasabatas ng Republic Act 11199 o mas kilala sa tawag na Social Security Act of 2018. Nauunawaan ng mga mambabatas at SSS na may mga employers na nais talagang magbayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado ngunit, nakaranas ng mahihirap na pangyayari sa kanilang negosyo tulad ng pagkalugi o pagsasara nito. Dahil dito, inilunsad ng SSS ang CPCP upang tulungan ang mga employers na makabayad ng hindi nahulugang kontribusyon.
Nananawagan tayo sa mga employers na may hindi nai-remit na kontribusyon na samantalahin ang pagkakataong ito na ibinibigay ng SSS sa kanila. Hanggang Setyembre 6 na lang tatanggap ng aplikasyon para sa programa.
Ang mga kuwalipikadong employers sa ilalim ng programang ito ay ang mga sumusunod:
mga hindi pa nakarehistro sa SSS kasama ang mga employers ng mga kasambahay o household employers;
mga may nakabimbin o naaprubahang proposal sa ilalim ng Installment Payment Scheme Program;
mga may nakabimbin o naaprubahang aplikasyon sa ilalim ng Program for Acceptance of Properties sa pamamagitan ng dacion en pago;
mga napan na ng Social Security Commission, korte o Office of the Prosecutor ngunit, hindi pa nakatutugon sa hatol sa kanya;
mga nakapagbayad na ng hindi nahulugang kontribusyon bago maipatupad ang Social Security Act of 2018 ngunit, hindi pa nabayaran ang multang ipinataw dito;
mga nabigyan na ng Warrants of Distraint, Levy and Garnishment (WDLG) o nabigyan na ng palugit.
Ang mga nagnanais na mag-apply sa programa ay maaaring magsumite ng letter of intent o sulat na nagpapahayag ng pagnanais mapabilang sa program sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Dapat maaprubahan ng sangay ng SSS bago bayaran nang buo ng employer ang hindi niya nahulugang kontribusyon.
Kapag installment naman ang nais ng employer, dapat siyang magsumite ng proposal at collection list sa SSS branch. Kailangan ding magsumite ng promissory note na nagsasaad na babayaran ang balanse ng delinquency sa pantay-pantay na halaga sa loob ng hindi hihigit sa 48 buwan kung saan ang unang buwanang bayad ay babayaran sa loob ng 30 araw mula sa petsa ng pag-apruba rito.
Nais nating paalalahanan at himukin ang mga employers na mag-remit ng kontribusyon ng kanilang mga manggagawa upang maiwasan ang anumang usaping legal laban sa kanila.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
◘◘◘
Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments