Mga palakang pinakawalan pamatay-lamok, mapanganib din
- Ryan B. Sison
- Aug 31, 2019
- 2 min read

Matapos magdeklara ang Department of Health (DOH) ng national dengue epidemic, kani-kanyang diskarte ang mga lokal na pamahalaan para mapigilan ang pagdami ng mga lamok na mayroong dengue.
Mula sa paglilinis ng bahay at paligid hanggang sa paggamit ng insect spray at fogging, kani-kanyang diskarte rin ang mamamayan para makatulong.
Kamakailan, isang barangay sa Kyusi ang naglunsad ng anti-dengue campaign sa pamamagitan ng pagpapakawala ng 1,000 palaka sa mga ilog at bakanteng lote.
Batay sa impormasyon, 3,500 kaso ng dengue ang naitala kung saan 29 dito ang nasawi.
Kaugnay nito, nagpahayag ng ilang concern ang mga eksperto dahil anila, ang pagpapakawala ng mga palaka ay maaaring makasama sa ecosystem.
Ang mga palaka na pinakawalan ay tinukoy bilang cane toads na maaari umanong dumami sa maruruming paligid at habang tumatagal, nagiging parasites ang mga ito na puwedeng magdala ng iba pang sakit.
Gayundin, mayroong poison glands ang mga ito na mapanganib sa iba pang hayop tulad ng aso at pusa.
Gayunman, naninindigan ang barangay na hindi makasisira sa paligid ang mga pinakawalang palaka dahil hindi umano naaapektuhan ng mga ito ang mga residente.
Siguradong hindi masama ang intensiyon ng mga awtoridad, pero ang tanong, gaano sila kasigurado na hindi makasasama sa paligid at mga residente ang hakbang na ito kontra dengue?
Bagama’t, responsibilidad ng mga opisyal ng barangay na mapanatiling malinis at ligtas ang kanilang nasasakupan, dapat din nilang siguraduhing hindi makasasama sa mga residente ang mga hakbang na kanilang ginagawa para magampanan ang mga tungkuling ito.
Kung nababahala ang mga eksperto sa naturang hakbang, panawagan sa mga opisyal, ikonsidera ang opinyon ng mga eksperto, gayundin, sumubok ng ibang paraan para makasiguro na magiging matagumpay ang kanilang hakbang kontra dengue.
‘Ika nga, tuldukan ang problema, pero huwag gumawa ng panibago!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments