top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Blazers, pinatumba ang heavy bombers

  • A. Servinio
  • Aug 31, 2019
  • 1 min read

BUMALIK sa panalo ang College of Saint Benilde matapos patumbahin ang Jose Rizal University, 74-66, sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Fil Oil Flying V Centre Biyernes ng hapon. Winakasan ng Blazers ang kanilang dalawang magkasunod na pagkatalo upang umakyat sa 6-2 habang tinapos ng Heavy Bombers ang unang round na may kartadang 3-6.

Kahit wala sina Coach Tyrone Tang dahil sa suspensiyon ng liga at Jimboy Pasturan dahil sa humiwalay niyang balikat, nagtulungan ang lahat para makuha ang mahalagang panalo lalo na ang mga guwardiya. Iniangat ni Carlo Young ang laro para sa 13 puntos upang matakpan ang puwang na iniwan ni Pasturan.

Namuno para sa Blazers si Justin Gutang na may 14. Nag-ambag ng 10 puntos si Edward Dixon. Nakakuha ang Heavy Bombers ng 20 puntos kay Agem Miranda, 14 kay John Anthony Amores at 13 kay Marwin Dionisio. Subalit hinanap nila ang tulong ng mga ibang kakampi at nasayang ang 29-28 na lamang sa halftime.

Sa Juniors Division, tinalo ng La Salle Green Hills ang JRU Light Bombers, 78-62. Kinailangan ng San Sebastian College ang overtime para malampasan ang EAC-ICA Brigadiers, 86-81. Hindi muna maglalaro ang NCAA sa Martes at lalaruin ang mga larong naliban noong Agosto 27 sa susunod na Biyernes, Set. 6. Ang pangalawang round ng elimination ay magsisimula sa Set. 10.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page