top of page
Pokwang.jpg

Usung-uso pa naman, momshies... TIPS PARA IWAS-AKSIDENTE AT READY SA BAHA ANG BUONG PAMILYA

Jersy Sanchez
Aug 30, 2019
2 min read

No Problem

Sa tinagal-tagal ng panahon at sa paulit-ulit na nararanasan tuwing tag-ulan, marami pa rin sa atin ang natataranta kapag bumabaha na. Gayunman, para maiwasan ang pagkataranta at para maging handa, narito ang ilang tips para sa inyo:

1. PAGHAHANDA BAGO BUMAHA. Ngayong tag-ulan, dapat maging parte ng paghahanda natin ang pagtatanggal ng mga bato, lupa at basura sa mga daluyan ng tubig at siguraduhing gumagana ang drainage facilities. Gayundin, pangalagaan ang mga ilog sa pamamagitan ng hindi pagtatapon ng basura rito.

Bukod pa rito, alamin ang flood warning system at evacuation plan ng komunidad at siguraduhing alam din ito ng inyong pamilya. Kasabay nito, bigyan ng tungkulin ang bawat miyembro ng pamilya.

2. KAPAG NAKATANGGAP NG BABALA NG BAHA. Sa pagkakataong ito, dapat tayong maging mapagmatyag sa ating lugar dahil may posibilidad na mabilis tumaas ang baha. Manatili ring nakatutok sa TV o radyo para sa mga abiso at direksiyon sa paglikas. Kapag iniutos ng mga awtoridad na lumikas, huwag nang maging pasa­way at sumunod kaagad. Gayundin, patayin ang main switch ng kuryente at tangke ng gas at siguraduhing walang nakasaksak na appliances. Kung nabasa ang anumang de-kuryenteng gamit, huwag na itong hawakan at gamitin. Siguraduhing sarado ang bahay bago kayo lumikas.

3. KAPAG BAHA NA. Kung lumikas ang pamilya ninyo, manatili na lamang sa evacuation center at kung hindi naman, huwag nang lumabas sa bahay at ipagpaliban ang mga hindi importanteng lakad. Ga­yun­din, hu­wag nang subukan na tumawid at lumangoy sa umaapaw na ilog o anumang umaagos na tubig. I-report kaagad sa Local Disaster Risk Reduction and Management Councils ang mga binahang lugar.

4. PAGKATAPOS NG BAHA. Sa pagbalik sa kani-kanyang tahanan, maging maingat at gumamit ng flashlight sa halip na kandila o gasera at bantayan ang mga bagay na puwedeng pagmulan ng sunog tulad ng mga putol na kawad ng kuryente. Gayundin, huwag sindihan ang main switch o gumamit ng applian­ces na hindi pa nasusuri ng electrician. Samantala, huwag kumain at uminom ng mga bagay na hindi pa nasusuri kung kontaminado.

Oh, mga mamsh, huwag na nating hintayin na lumala ang baha bago pa tayo maghanda dahil siguradong mahihirapan tayo. Gayunman, huwag kalimutang ibahagi ang ilang tips na ito para everybody ready. Copy? Keep safe, mga ka-Bulgar!

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page