Mga nakalusot na expired at smuggled na karne, talupan!
- Isko Moreno
- Aug 30, 2019
- 1 min read

IPINAG-UTOS natin kamakailan ang agarang pagpapasara ng mga tindahan na nagtitinda ng mga expired at may halong kemikal na karne sa Lungsod ng Maynila. Inatasan natin ang Bureau of Permits na agad isara at kanselahin ang mga business permit ng mga mahuhuling tindahan.
Ito ay matapos mahulihan ng dalawang toneladang smuggled processed meat ang ilang tindahan sa Tondo at karamihan dito ay galing pa sa China. Ayon sa ating napag-alaman at lumabas sa imbestigasyon, nakatakdang i-deliver ang nasabing mga karne sa ilang Chinese restaurants sa Metro Manila.
Maganda rin siguro na matanong natin ang Bureau of Customs (BoC) at iba pang ahensiya ng gobyerno kung paano nakalusot ang importasyon ng mga produktong ito.
Bukod pa ito sa nahuling 65 kilos na karne ng baka at peking ducks sa Arranque Market na ayon sa Manila Veterinary Inspection Board ay hindi ligtas for public consumption.
Paalala sa mga mamimili, dapat tayong manatiling mapagmatyag sa mga binibiling produkto at huwag tayong matakot na i-report agad kung may nakikita kayong mali o hindi sumusunod sa mga patakaran.
Tayo ay patuloy na tututok at mahigpit na magmo-monitor sa mga produktong ito. Hindi natin puwedeng pabayaan ang kaligtasan ng mamamayan. Huwag kayong mag-atubiling makipag-ugnayan sa ating opisina kapag kayo ay may napapansing kakaiba o kaduda-duda.





Comments