9-anyos nabulag matapos turukan ng Dengvaxia | PANIBAGONG KASO KAY GARIN, INIHAIN
- M. Moratillo
- Aug 30, 2019
- 1 min read

KASAMA ang Public Attorney’s Office, naghain ng reklamo sa Department of Justice ang isang ginang nang mabulag ang kanyang anak matapos umanong maturukan ng Dengvaxia.
Sa 3 pahinang sinumpaang-salaysay ni Girlie Samonte, Agosto 30, 2017 ay nabakunahan ng Dengvaxia ang kanyang 9-anyos na anak na si MJ sa isang health center sa Tondo. Gayunman, pagsapit aniya ng Setyembre ay napansin na niyang nagsimulang mawalan ng ganang kumain ang kanyang anak, namayat at naging mainitin ang ulo.
Enero 23, 2018 aniya ay bigla nalang nangisay si MJ at nagkaroon ng seizure.
Isinailalim sa laboratory test ang dugo at ihi nito sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center at dahil negatibo naman kaya pinauwi na ito at pinainom nalang ng paracetamol.
Pebrero, muling naospital si MJ matapos bumagsak, mahilo at magsuka at inilipat sa Ospital ng Maynila kung saan nakita na may pumutok na abnormal ugat sa utak kaya nagkaroon ng malfunctioning sa pasyente.
At dahil sa mga nabalitaan nila tungkol sa mga nagkasakit at namatay matapos maturukan ng Dengvaxia, dumulog na umano siya sa PAO. Sa pagsusuri ng PAO Forensic Team, nakumpirma na namaga at nagdugo ang mga ugat sa utak ni MJ na tugma sa deklaradong ‘side- effects’ ng Dengvaxia.
Kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries, torture resulting in the death of any person, and torture committed against children at paglabag sa consumer act of the Philippines ang isinampa laban sa Sanofi Pasteur at kay dating Health Sec. Janette Garin, Zuellig Pharma, mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH at FDA.





Comments