top of page

Kaalaman ng mga estudyante sa Math at Science, malaking tulong para makasabay sa buong mundo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 29, 2019
  • 2 min read

MAITUTURING na progresibo at maunlad ang ekonomiya ng lipunan kung ito ay may magagaling o eksperto sa siyensiya.

Kung wala tayong engineer, scientist at mathema­tician sa bansa, hindi tayo lubos na makasasabay sa bilis nang pagbabago ng mundong ating ginagalawan.

Naniniwala tayong ang henerasyon ngayon ang susunod na mga titingalain pagdating sa Agham.

Sila ang mga hinihimok na mag-aral ng space technology o aerospace engineering tulad ng mga iniaalok na kurso sa mga estudyante sa kolehiyo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture at maging ng Committee on Science and Technology, sinusuportahan nating maitulak ang pananaliksik at pag-unlad sa industriya ng space technology sa pamamagitan ng edukasyon upang makapagpatapos tayo ng mga propesyunal na magiging malaking ambag sa ating bansa sa hi­naharap.

Kamakailan, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11363 o Philippine Space Agency (PhilSA).

Sa pamamagitan nito, ma­pagtutuunan ng pansin ang mga isyu at aktibidad kaugnay sa space science at technology applications.

Aatasan ang PhilSA na tulungan ang bansa sa paglikha, pagbuo at pag-implementa ng national at international na mga polisiya at direktiba.

Isa pa sa mahahalagang responsibilidad nito ay magplano, mamahala at gumawa ng mga programa tungkol sa space research and development at aplikas­yon ng space technology sa Pilipinas.

Higit sa lahat, makikiisa ang ating ahensiya sa space-related agencies sa ibang bansa tulad ng Na­tional Aeronautics and Space Administration (NASA) ng Estados Unidos sa paghahanap ng mga ideya at solusyon sa malawak na usapin ng space technology.

Ang maganda pa rito, magsisilbing kinatawan ng ating bansa ang nasabing ahensiya sa United Na­tions Committee on the Peaceful Use of Outer Space at iba pang tulad na grupo o organisasyon para sa sari-saring talakayan at pagpupulong pang-internasyunal.

Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), tututukan ng Philippine Space Program ang anim na pangunahing paksa kabilang na ang (1) National Security and Development, (2) Hazard Management and Climate Studies, (3) Space Research and Development, (4) Space Industry Capacity Building, (5) Space Education and Awareness at (6) International Cooperation.

Ngayong ika-18 Kongreso, inihaing muli ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 369 o Equitable Access to Math and Science Education Act. Dito, magtatayo ng pampublikong Math and Science High School sa bawat probinsiya.

Sa kurikulum ng junior at senior high school, ituturo ang advanced Science, Mathematics and technology subjects.

Pagkatapos ng kanilang pag-aaral sa K-12, awtomatikong mae-enroll sa apat o limang taon na Bachelor’s Degree sa programang pang-Agham sa kanilang pagkolehiyo.

Kapag naisabatas na, umaasa tayong magtutu­lungan ang Department of Education (DepEd), DOST at Commission on Higher Education (CHED) upang maimplementa nang maayos ang bawat nilalaman ng batas.

Para sa kinabukasan ng kabataan at makamit ang siyentipiko, teknolohikal at industriyal na pag-asen­so sa bayan, ating aantabayanan at susuportahan ang PhilSA at pagpaparami ng mga batang engineer, scientist, mathematician at iba pang propesyunal.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page