Self-care tips para maiwasan ang tonsillitis
- Dr. Shane Ludovice, M.D.
- Aug 28, 2019
- 1 min read

Dear Doc. Shane,
Madalas magkaroon ng tonsillitis ng anak kong edad 7 kahit pinaiinom ko naman siya ng tubig matapos kumain ng candy. Ano ba ang dahilan kung bakit namamaga ang tonsils ng tao? — Alice
Sagot
Ang tonsils ay nasa likod ng lalamunan — ito ang dalawang tumpok na laman sa magkabilaang gilid ng lalamunan. Kapag ito ay nagkaroon ng impeksiyon mula sa virus o bacteria, ang tawag dito ay tonsillitis. Malimit ang tonsillitis sa mga batang nasa edad 5 taon hanggang 15.

Madalas na nakukuha ang tonsillitis mula sa sipon o flu o sa bacteria na streptococcus.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng tonsillitis:
Namamaga at namumula na tonsils
Kulay puti o dilaw na batik sa tonsils
Masakit na pakiramdam kapag lumulunok
Sore throat o masakit na lalamunan
Lagnat
Ang gamutan para sa tonsillitis ay depende sa bacteria o virus. Kung viral ang tonsillitis, kayang labanan ng katawan ang sakit ng mag-isa pero, kapag bacteria ang sanhi, antibiotic ang madalas na binibigay ng doktor.
May mga self-care tips din para maibsan ang tonsillitis ng bata. Subukang bigyan sila ng maligamgam na tubig na may kalahating kutsaritang asin para imumog nila. Iwasan din ang pagbigay ng malalamig at matatamis na pagkain o inumin at kung kakain ng mga candy o anumang matamis dapat na painumin agad sila ng tubig.
Kung hindi nawawala ang lagnat, makabubuti kung dadalhin agad siya sa doktor para mabigyan ng tamang antibiotic para sa pamamaga ng tonsils (tonsillitis).
תגובות