Hindi sana bangungutin sa laro ang baguio judokas
- Gerard Arce
- Aug 28, 2019
- 2 min read

KALILIMUTAN muna ng koponan ng Baguio City ang aberyang nangyari sa kanilang atleta matapos maunsyami ang unang paglipad patungong Puerto Princesa, Palawan noong Linggo ng madaling araw (Agosto 25) para sana lumahok sa Batang Pinoy national Finals.
Tututukan muna ng koponan ng Baguio City ang pagtatanggol sa korona sa national finals bago balikan ang Airlines sa oras na makabalik na sila sa kanilang muhon.
“We came up with the decision that the issue on Airlines will be put on hold since it taking much of our time and attention. We will get back to the case when we arrive in Baguio. In the meantime, we will focus and prioritize more on our responsibilities in the Batang Pinoy National Championships in order not to jeopardize our performance,” ayon kay Baguio City Sports Office coordinator Gaudencio Gonzales sa kanyang Facebook post.
Naging isang malaking bangungot sa mga kabataang atleta ng Baguio judo team nang hindi sila payagang makasakay ng eroplano matapos nilang habulin ang boarding gate, dahil sa hindi sila naabisuhan ng maaga sa pagpapalit ng boarding gate gayung madaling araw pa lamang ay naroon na sila. Napilitan din ang 17 miyembro ng atleta at coaches na bumili ng panibagong ticket para makarating sa kompetisyon. “Wala sanang epekto ito sa mga bata. Tina-try ng mga kasama nilang coaches na di gaanong ma-involve yung mga bata dun sa issue. Hopeful pa rin kami na makukuha namin yung overall title,” esplika ni Gonzales nang makapanayam sa social media ng BULGAR.
“Mostly pa naman eh combat sports ang humahakot sa amin,” dagdag ni Gonzales kung saan tinukoy niyang ang Judo kasama ang Taekwondo, Muay Thai, Wushu, Arnis at Wrestling ang mga pangunahin nilang armas sa Batang Pinoy.
Sa kabilang banda, nakatakdang ibigay ng Airlines ang “buong reimbursement” ng mga apektadong manlalaro at coaches at ipinaliwanag na hindi nila ginusto ang nangyari dahil kailangan lang sumunod ang mga ito sa SOP sa pagpapalit ng gate departure assignments.





Comments