top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Galawan ni napoles sa national budget, buhay na buhay pa rin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 28, 2019
  • 2 min read

MARAMI ang nagtataka kung bakit inililihim ng Committee on Appropriations ang paghahanda ng 2020 National Budget.

Bakit daw ang may kontrol ng paghahanda ng badyet ay dating director na nagbitiw na si Cecilia de Sahagun?

◘◘◘

DAPAT ipaliwanag ni Committee Chairman Rep. Isidro Ungab kung ano ang papel ng dating director sa preparasyon ng badyet.

May impormasyon tayong natanggap na ang pamangkin daw nitong si Romina Gadon ang nasa plantilla position at binigyan ng karapatan na hawakan ang kontrobersiyal na DPWH fund at ang Priority Development Assistance Fund (PDAF)!

◘◘◘

DAPAT linawin ni Ungab sa publiko kung bakit hindi isinasali sa paghahanda ng badyet ang iba pang tauhan ng Committee on Appropriation na dati-rati namang ginagawa noong nakaraang panahon.

Nawawalan ng pagkakataong mabusisi ang badyet na nakalaan sa iba’t ibang sektor tulad ng edukasyon, social welfare, agriculture, health, agrarian at iba pa.

Makakaya ba ng dalawang tao ang preparasyon para rito?

◘◘◘

MAY iba’t ibang opinyon kung paano ang “pagluluto” na ginagawa sa DPWH budget.

May nagsasabing ito ang nagsisilbing “unli pork” ng ilang kongresista dahil hindi ito naka-specific o naka-itemized kung saan at kung ano ang aktuwal na proyektong imprastruktura na paglalaanan.

Kung walang espesipikong halaga na nakatoka sa bawat distrito at hindi rin tinutukoy kung ano ang espesipikong infrastructure project, malinaw na ito ay may malaking tsansa na madambong lamang ng mga buwaya!

◘◘◘

MAY ulat na may nakalaang dambuha­lang DPWH budget sa mga kakamping kongresista at mabobokya naman ang distrito ng kanilang kalaban sa politika.

Ibig sabihin, dahil sa “SOP” o tradis­yong tara o porsiyento mula sa overpricing ng proyekto, mas malaki ang mada­rambong ng mga malapit sa “kusina”!

◘◘◘

KUNG sino ang kusinera, tiyak na siya ang magkakauling o marurumihan ang mga kamay mula sa nakaw na pondo.

Siyempre, kung sino ang nag-aayos ng badyet sa espesipikong sektor o programa, siya ang walang duda na may “kaparte” sa SOP!

◘◘◘

MALINAW kung gayun na ang “iskemang Napoles” ay nananatili dahil nagkaroon lamang ito ng inobasyon.

Hindi humawak ng posisyon si Napoles, pero siya ang may kontrol ng PDAF ng mga dating mambabatas!

◘◘◘

DAPAT maging transparent ang Kamara ng mga Representante sa paghahanda ng budget na nakatoka sa Committee on Appropriation.

Binabatikos mismo ang magtiyahing nag-aayos ng budget sapagkat kinokor­ner ng mga ito ang proseso at nawawalan ng “trabaho” ang kanilang kapwa kawani sa naturang komite!

◘◘◘

INAAPURA ang badyet, pero halos dalawang tao lang ang lihim na nag-aayos nito.

‘Yan ay impormasyon na direktang nagmula mismo sa Kamara.

Ilantad dapat ang proseso upang hindi mapagbintangan na nabuhay ang “iskemang Napoles” sa 18th Congress!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page