Online shopping, mabilis nga; ‘pag palpak, sori na lang!
- BULGAR

- Aug 27, 2019
- 1 min read

GUSTONG mamili, pero ayaw makonsumi sa trapik. May kailangang bilhin, pero hindi alam kung saang lugar ito eksaktong mabibili.
Merong pambili, wala namang oras mamili.
Ilan lamang ito sa mga dahilan kaya patok ang online shopping. Nasa bahay ka lang, puwede mo nang bilhin ang mga kailangan o gusto mo.
Ang tanong, okay ba ang in-order na item? Sulit ba ang shipping fee?
May mga pagkakataon kasi na nakadidismaya ring mag-online shopping. Tipong maayos ‘yung produkto base sa post, pero kabaligtaran nu’ng natanggap mo na.
Iba ang size, iba ang kulay, may sira, hindi gumagana o sa madaling salita, palpak! Ang matindi, ini-expect mong original ang darating dahil presyong orig, nang mai-deliver, peke pala.
At ‘yung online seller, hindi mo na makausap nang matino.
Bagama’t, bago pa mauso ang online shopping, may umiiral nang batas na layong maprotektahan ang mga konsiyumer at manufacturer, ito ay ang Consumer Protection Act.
Gayunman, maaaring iba pa rin kung magkakaroon ng hiwalay na tatanggap at kikilos sa mga reklamo ng mga nabibiktima ng mga online seller na nagbebenta ng mga peke o palpak na produkto kung saan magiging mas mabilis ang paghabol sa mga pasaway na seller at mamo-monitor ang mismong kalakaran sa online selling.





Comments