Bilang ng mga sumasali sa ROTC, pababa nang pababa; ‘Pinas, kawawa


BILANG chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isa sa ating mga tinututukan ngayon ay ang nakalulungkot na pagbaba ng bilang ng mga nagsisipagtapos sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Bakit kailangang pagtuunan ng pansin ang patuloy na pagbaba nito?
Mahalaga ang papel ng mga magsisipagtapos na magsisilbing boluntaryo o reservist sa sandatahang-lakas ng bansa na matinding kakailanganin para sa pagtugon sa anumang panawagan ng ating bayan na maglingkod sa iba’t ibang sitwasyon tulad ng digmaan, disaster response operations, search, rescue at relief operations, early recovery activities at iba pa.
Kamakailan ay inihain natin ang Proposed Senate Resolution No. 97 upang suriin ang implementasyon ng National Service Training Program (NSTP) Law (Republic Act No. 7077), partikular ang ROTC na bahagi nito.
Kailangan natin ng komprehensibong pagsusuri upang masukat kung gaano ito kaepektibo upang makapaghain din ng angkop na panukalang-batas o amyenda sa kasalukuyang batas upang mapalakas pa ang reserve force sa buong Pilipinas.
Mula nang implementasyon ng nasabing batas noong 2002, nagdulot ng matinding pagbaba sa enrollment sa ROTC program.
Ayon sa datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mula sa 314,225 enrollees noong School Year 2000-2001 ay bumaba ito sa 170,071 noong SY 2002-2003, hanggang sa bumaba pa ito sa 106,892 noong SY 2004-2005. Dahil dito, nagdulot ito ng ilang mga pagsubok sa reserve force ng AFP.
Kung titingnan nating maigi, higit pa sa bilang ng mga enrollee ang suliranin dito.
Sa halip, ipinakikita lamang ng estado ng ROTC program na may matinding kakulangan sa mga namumuno at tauhan nito, isyu sa sari-saring polisiya sa pagtatalaga ng mga opisyal sa ROTC units, kakulangan sa logistics at budget at walang sapat na training facilities.
Bukod dito, mayroon ding mga isyu sa Program of Instruction na hindi tugma sa misyon ng reserve force sa ating pakikipaglaban para sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bansa kung saan may mahalagang papel ang ROTC sa paglikha ng mga reservist na kakailanganin nito.
Ngayong ika-18 Kongreso, inihain natin ang panukalang-batas na Senate Bill No. 177 o Senior High School Reserve Officers’ Training Corps Act na naglalayong gawing mandatory ang dalawang taon na basic ROTC program para sa lahat ng mga senior high school student sa pribado at pampublikong paaralan.
Naniniwala tayong may malaking naitutulong ang kasalukuyang klase sa NSTP sa kamalayan ng mga mag-aaral sa ating lipunan.
Ngunit, hindi nito tuluyang nakakamit ang layunin sa pagbuo ng military at defense preparedness na kaisipan sa kabataan, lalo na sa pagtugon sa mga hindi inaasahang mga pangyayari tulad ng sakuna, pagbabago ng klima at mga banta laban sa pambansang seguridad.
Para sa kabataan, kailangan kayo ng Inang Bayan sa kanyang pagsulong tungo sa kaunlaran at pagharap sa mga hamon ng kinabukasan.
Kayo ay lubos na hinihikayat na gamitin ang inyong lakas bilang kolektibong puwersa upang dalhin ang bayan tungo sa itinadhana nitong kadakilaan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments