2ND WIN, ITATALA NG CHIEFS, PERO GANADO ANG STAGS
- A. Servinio
- Aug 27, 2019
- 2 min read

NABUHAY bigla ang kampanya ng season host Arellano University Chiefs at susubukan nila ngayong makapagtala ng dalawang sunod na panalo sa pagbabalik ng aksyon sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) ngayong Martes sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City. Haharapin ng Chiefs ang isa pang ganadong koponan, ang San Sebastian Golden Stags, sa tampok na laro simula ng 4:00 p.m.
Nagmula ang Arellano sa 87-81 na tagumpay kontra sa Lyceum Pirates noong Biyernes. Pinasok ng beteranong guwardiyang si Kent Salado ang 10 sa 16 puntos sa huling quarter habang nagdagdag ng 24 puntos, 11 rebounds at tatlong tapal si Justin Arana upang umangat ang kartada sa 2-6 papasok sa huling laro bago magwakas ang unang round ng elimination.
Dahil sa husay ni Arana, siya ang napili bilang Chooks to Go NCAA Player of the Week ng Collegiate Press Corps. Nais magpakitang gilas ng 6’4" forward sa unang taon sa liga matapos magdesisyon na lumipat galing sa UST.
Sa panig ng Stags, umaarangkada muli ang koponan ni Coach Edgar Macaraya matapos ang magkasunod na panalo sa Letran Knights sa overtime, 102-101 at University of Perpetual Help System-Dalta Altas, 107-90. Malaking bagay sa pag-angat ng Stags sina Allyn Bulanadi, RK Ilagan, Aljohn Capobres at Kenneth Villapando.
Samantala, sisikapin ng defending champion San Beda Red Lions na walisin ang 9 na laro sa unang round ng elimination kontra Mapua Cardinals sa 2:00 p.m. Kahit heavy favorite ang Red Lions, nanatiling delikadong kalaro ang Cardinals dahil nasa gitna sila ng tatlong sunod-sunod na tagumpay matapos matalo sa unang lima.
Magtatapat ang Letran (5-3) at Saint Benilde Blazers (5-2) sa opening ng 12:00 p.m. at kailangan manalo ng dalawang paaralan upang makalimutan ang nagdaang pagkatalo. Parehong nakatikim na ng magkasunod na pagkabigo ang Knights at Blazers.





Comments