ROTC, wala dapat pilitan para iwas-korupsiyon
- BULGAR

- Aug 26, 2019
- 1 min read

TINATAYANG P16 bilyong pondo ang kakailanganin ng gobyerno para sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Apat na milyong Grades 11 at 12 mula sa pampubliko at pribadong paaralan ang inaasahang mapapabilang dito at kailangan umanong mabigyan ng maayos na uniporme at kagamitan.
Batay sa inisyal na pagtataya, P4,000 ang budget para sa uniporme sa bawat senior high school students.
Ilan sa mga layunin ng pagbuhay ng mandatory training ay ang pagkakaroon ng mahuhugutan ng puwersa. Kulang umano ang nasa 70,000 reserves at 120,000 sundalo para depensahan ang Pilipinas. Kasabay nito ang pagbabalik sa disiplinang unti-unti na raw nawawala sa kabataan.
Ang tanong, handa na ba ang pamunuan ng ROTC at ang mismong gobyerno na ibalik ito? Masisiguro ba na wala nang mangyayaring aregluhan? ‘Yung tipong nadaraan sa usapan para hindi na kailangan pang mag-training at makapasa nang walang hirap?
Ito ang isa sa mga ugat ng korupsiyon na minsang nabulgar kaya ipinatigil ang ROTC bukod pa ang mga naiuulat na pang-aabuso.
Ang isa pang tanong, kailangan ba talagang gawing mandatory?
Hindi kaya maging mas produktibo ang ROTC na kinabibilangan ng mga estudyanteng gusto talagang magsanay at hindi napilitan lang?
Sa totoo lang, kung gusto nating maging disiplinado ang kabataan, simulan natin ito sa pagiging mabuting huwaran. Mula sa ating mga magulang, nakatatanda at hanggang sa mga lider ng bansa.
At sa usapin ng pagtatanggol mula sa mga banta sa pambansang seguridad, bakit hindi natin palakasin ang puwersa ng AFP at i-upgrade ang lahat ng mga armas at kagamitan?
Magkaroon man tayo ng milyun-milyong reserve officers, kung sablay ang ating mga kagamitan at kapos ang kakayahan, wa’ ‘wenta.





Comments