top of page

Paraan sa pagkapa ng suso para maagapan ang breast cancer

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Aug 26, 2019
  • 2 min read

Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Ako ay 17 years old at estudyante. Naku-curious ako kung normal lang ba sa babae ang may nakakapang bukol sa dibdib bago ako magka-menstruation? Paano ginagawa ‘yung sinasabi nilang self-breast exam? Natatakot kasi akong magka-breast cancer kasi ‘yun ang ikinamatay ng tiyahin ko. — Catherine

Sagot

Breast cancer ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng kababaihan kaya mahalagang malaman ng bawat babae ang tamang pagsusuri ng kanilang suso. Nararapat na gawin bawat buwan ang pagsusuri ng dibdib bago dumating ang buwanang dalaw at pagkatapos nito.

Pasa sa katawan, dahilan ng seryosong sakit - Sabi ni Doc

Kung may nakakapang bukol sa dibdib bago magkaregla, maaaring ito ay dahil sa hormones at nawawala rin pagkatapos ng regla.

Samantala, ang pagsusuri sa suso ay nagsisimula sa edad 20 pataas. Madali lang itong gawin, habang naliligo ay itaas ang kanang braso at gamitin ang dulong daliri ng kaliwang kamay sa pagkapa ng inyong kanang dibdib. Kapain kung may cyst o bilog na parang holen sa ilalim ng boobs hanggang sa kilikili. Gayundin, matapos sa kanang braso, kaliwang braso naman ang itaas at kapain ang kanang dibdib. Kapag may nakapang bukol na kaduda-duda, makabubuti kung ipakokonsulta agad ito sa doktor.

Maaari ring subukan ang isa pang hakbang, tumayo sa harapan ng salamin, ilagay ang braso sa gilid ng katawan. Obserbahang mabuti ang dalawang suso kung parehas ang hugis at laki nito. Suriin ang utong at palibot nito kung may pamumula o tumutulong likido o nana dahil ang pagkakaroon ng likido at pamumula ay hindi magandang senyales. Pagkatapos ay itaas at ilagay ang dalawang kamay sa likuran ng ulo, ulitin ang pagmamasid sa suso.

Maaari ring gawin ang pag-eeksamin habang nakahiga sa kama. Itaas lang ang kanang braso at ilagay sa ibabaw ng ulo, gamit ang kaliwang kamay, salatin ang kanang suso. Mula sa gilid ng suso, gamitin ang mga daliri at diinan nang paikut-ikot ang suso, umpisahan sa utong at unti-unting bumilog na palaki nang palaki. Uliting gawin ito sa kaliwang suso at huwag kalimutang kapain din ang kilikili.

Gayunman, kung may mapapansin o makakapang kakaiba at bukol sa bahagi ng dibdib, mas mabuting magtungo nang personal sa doktor upang masuri ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page