top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Batas sa 'Pinas, 'di pa rin patas sa mayaman at mahirap

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 26, 2019
  • 2 min read

KAMAKAILAN, naibalitang palalayain si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez. Gusto lang nating malaman, paano ba kinakalkula ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) para mapadali o mapaaga ang pagpapalaya sa napang kriminal? Ano ang mga batayan na ginagamit at sino ang mga maaaring mapalaya batay sa kanyang GCTA?

Kaugnay nito, marami ang hindi pumabor sa ideyang pagpapalaya sa dating mayor na mahigit 26 taon nang nakakulong dahil sa kanyang karumal-dumal (heinous) na krimeng nagawa kung saan guilty ito sa panggagahasa at pagpatay sa dalawang UPLB students.

Hindi malinaw kung ano ang ibig sabihin ng “good conduct” sa buhay ng akusado at napang mayor. Anu-ano ba ang mga nagawa niya sa loob ng kulungan na batayan ng “good conduct”?

Noong 2010, natuklasan ang nagkakahalagang P1.5 milyong shabu sa kanyang selda. Noong 2015 naman, nalamang nagtatago siya ng mga “appliances” sa kanyang selda.

Hindi nag-iisa si Sanchez sa nasabing espesyal na prebilehiyong ibinigay sa kanya. Kung mayaman, makapangyarihan at may koneksiyon sa malaking tao, iba ang takbo ng buhay ng preso sa anumang kulungan, pero kapag mahirap lang o walang koneksiyon, mapipilitan siyang maghintay at umasa sa GCTA. Matagal nang nakakulong ang nakilalang Abadilla 5 na apat na lang dahil namatay na si Lenido Lumanog. Hanggang ngayon, kuwestiyunable pa ang kanilang kaso kaugnay sa mga ebidensiyang nagsasabing hindi sila ang pumaslang kay Ninoy Aquino.

Noong panahon ni ex-P-Noy, sinikap ng ilang tao na hingin ang “Presidential Clemency” para sa kanila para maranasan ng mga matagal nang nakakulong na preso ang kaunting panahon ng kalayaan bago sila magkasakit at pumanaw. Sinuportahan ang panawagang ito ng ilang opisyal ngunit, anuman ang dahilan ni ex-P-Noy, hindi nito nilagdaan ang dokumento para sa lima.

Samantala, dahil sa pagkamatay ni Gina Lopez, naalala ng marami ang kaso ng pagpatay sa kanyang kaibigang si Doc Gerry Ortega. Tumakas at nahuli ang mastermind ngunit, pagkaraan ng ilang taon ng pagkakakulong, pinalaya rin ang mga ito.

Huwag nating kalilimutan ang inimbentong kaso laban kay Sen. Leila de Lima na sa kabila ng kahinaan ng kaso, hindi pa rin siya pinalalaya.

Anong kabalintunaan ito, mabibigyan ng “pangalawang pagkakataon” ang malinaw na gumawa ng karumal-dumal na krimen, samantalang, ang mga presong may malinaw na ebidensiya ng kanilang pagiging inosente, hindi pinapansin?

Ano ba ang problema, ang preso o ang sistema ng hustisya sa ating bansa? Naiimpluwensiyahan o nabibili ba ang mga korte at mga warden? Kung nabibili at naiimpluwensiyahan ang mga ito para paboran ang mga mayaman, kilala at konektado sa mga malalaking tao sa lipunan, malinaw na hindi patas ang pagtrato sa mga preso.

Paano gagawing patas ang pagtrato ng Korte Suprema at Bureau of Corrections (BuCor) sa bawat preso kung may mas madaling mapansin hindi dahil sa GCTA kundi sa tatlong “M” — mayaman, makapangyarihan at malakas na koneksiyon?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page