Palasyo, may mga bagong kondisyon sa pagbabalik ng STL

AYON sa Department of Justice (DOJ) at Bureau of Corrections (BuCor), hindi karapat-dapat na mapalaya si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Sa magkahiwalay na press conference, parehong ipinahayag nina DOJ Sec. Menardo Guevarra at BuCor Chief Nicanor Faeldon na hindi mapalalaya si Sanchez dahil sa batas na nagbabawas ng sentensiya porke “nagpakabait” na batay sa mas pinalawak na Republic Act No.10592 o Good Conduct Time Allowance.
Malinaw na may mga ginawa si Sanchez na hindi maituturing na “good conduct” habang nakakulong.
Matatandaang, hinatulan ang dating mayor na guilty sa panggagahasa at pagpatay sa dalawang UPLB students. Kaugnay nito, kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon noong 1999 at napan siya ng reclusion perpetua o pagkakakulong ng 30 hanggang 40 taon. Malinaw na kailangan niyang tapusin ang kanyang sentensiya.
◘◘◘
Mukhang buhay na naman ang Small Town Lottery o STL dahil binawi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa nasabing laro. Pero, mas mahigpit na ang mga kondisyon, ang dapat nang sundin ng mga operator para hindi mawalan ng kita ay ang gobyerno.
Kasalukuyang may imbestigasyon pa sa umano’y korupsiyon sa STL kung saan bilyones ang nawala sa gobyerno. Gayunman, inaasahan na ang mga bagong kondisyon ay magsisilbing balakid sa anumang korupsiyong nagaganap noon.
Mukhang hindi matutupad ang nais ni Pangulong Duterte na kung siya lang ang masusunod, ipagbabawal ang lahat ng uri ng pagsusugal sa bansa. Pero, kailangan ang mga larong ito ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para makalikha ng pondo para sa kanilang charity o para sa mga kababayan nating tinutulungan ng nasabing ahensiya. Bilyones umano ang nawala sa PCSO sa pansamantalang paghinto ng STL. Malamang, magandang balita ito para sa PCSO na muli silang makapagpapatuloy ng operasyon.





Comments