PAG-ANGAT SA WORLD RANKINGS, PAKAY NI JUDOKA WATANABE
- Gerard Arce
- Aug 25, 2019
- 1 min read

SUSUBUKAN ni 2018 Asian Games silver medalist Filipino-Japanese judoka Kiyomi Watanabe na mapataas pa ang kanyang world rankings para makapasok sa 2020 Tokyo Olympics.
Sasabak ang 3-time Southeast Asian Games (SEAG) gold medalist kasama ang ilang miyembro ng Philippine National Judo team sa 2019 World Judo Championships simula ngayong Linggo, Agosto 25 hanggang Set. 1 sa Nippon Budokan sa Tokyo, Japan.
Nasa 24th place si Watanabe na may 2020 points na lumalaban sa half-middleweight (-63kgs) category, ngunit kinakailangang makapasok nang direkta sa top 18 para makakuha ng spot sa Olympics hanggang Mayo 25, 2020 ayon sa International Judo Federation (IJF).
Nag-iisa lang ang 23-anyos na Waseda University graduate ng Sports Science sa hanay ng mga Filipinang atleta sa kanyang division, habang hawak ng Japan ang pinakamaraming manlalaro sa top 25 players na may apat, samantalang 3 sa Great Britain, tig-2 ang Mongolia, The Netherlands, China at Slovenia, habang tig-iisa ang Germany, Cuba, Australia, Russia, Poland, Austria, Brazil at Pilipinas.
Makakasama ni Watanabe sa World Championships ang ilang Filipino Japanese na sina 2017 Kuala Lumpur gold medalist Mariya Takahashi, Rena Furukawa, Megumi Delgado, Shugen Nakano at Keisei Nakano gayundin ang All-Filipino national team na sina Jeanaleane Lopez, Bryan Quillotes, Marco Tumampad, John Viron Ferrer, Carl Aseneta at 2-time UAAP MVP Khrizzie Pabulayan.





Comments