Mga bossing sa Customs, kasabwat sa korupsiyon ng mga amuyong sa Palasyo
- BULGAR

- Aug 25, 2019
- 2 min read
MAY natanggap tayong text at natutuwa ito sa pagbanat natin sa mga ismagler sa Bureau of Customs.
Pero, bakit daw hindi binanggit ang alyas Sebastian na tumatara sa mga brokers at importers?
Hindi nga?
◘◘◘
ANG ismagling sa Customs ay iskema.
Meaning, dahil iskema ito, hindi dapat nakatutok sa personalidad ang Malacañang, bagkus ay sa proseso sa paglalabas ng kargamento!
◘◘◘
SINASADYANG may “loopholes” ang proseso upang makapagpuslit.
Kapag na-perfect ang proseso at inalis ang butas sa transaksiyon, hindi makapagnanakaw ang mga dorobo.
Siyempre, ang dorobo ay mismong Customs executives!
◘◘◘
ITINALAGA rito kung sino ang “pinakamalinis” magtrabaho at “pinakamalaki” ang maibibigay na regular na tara sa mga amuyong sa Malacañang.
Matagal nang praktis ‘yan, pero siyempre, hindi ibinubunyag!
◘◘◘
LIBU-LIBO ang container van sa Customs, imposible itong mabuksan o ma-inspection.
Imposible ring maimbentaryo nang maayos at ma-double check ang assessments na punto ng “technical smuggling”!
◘◘◘
RANDOM lamang ang maaaring gawing inspection, imbentaryo o double-check sa assessment.
Pero, sino ang gagawa ng “inspection” o mag-o-audit?
Siyempre, kung sino ang nakatokang “magbantay o mag-audit”, siya ang tatanggap ng pinakamalaking tara!
◘◘◘
DAHIL imposibleng masawata ang korupsiyon sa Customs, nagiging kalakaran na lamang ay kung sino ang puwedeng “magkaloob ng tara” sa mga amuyong sa Palasyo nang hindi sumasabit.
‘Yan ang lohika at mapait na katotohanan!
◘◘◘
ISANG prinsipyong ipinaiiral dito ay praktikalidad.
Puwedeng magnakaw o magtara, pero dapat mapalaki ang buwis o maabot ang “target collection”.
Ang sobra sa target, puwedeng ibulsa!
◘◘◘
KAHIT pari, madre, pastor o anghel na nabuhay sa lupa ang italaga sa Customs, tiyak na lalamunin ng “iskema” ng korupsiyon.
Bakit?
Sapagkat kapag kinontra ang tradisyunal na iskema ng korupsiyon, mapaparalisa ang operasyon ng Customs!
◘◘◘
KAPAG naparalisa, siyempre, sisibakin ang mayorya ng mga empleyado, liliit ang buwis at ‘yan ang magaganap upang masisi mismo ang Malacañang.
Blackmail ang tawag d’yan na bunga ng iskema!
◘◘◘
GANYAN din sa illegal drugs at illegal gambling.
Hindi drug lord ang ugat ng krimen, hindi rin gambling lord.
Ang ugat ng krimen ay ang iskema na pundasyon sa loob ng proseso sa mahabang panahon!
◘◘◘
KAHIT patayin ang mga drug lords, diretso lang ang iskema sa pagpapadala ng epektos gamit ang iba’t ibang makinarya.
Ang mga “miyembro ng sindikato” ay nagpapalit-palitan din na tila may ranggo tulad ng militar.
May mga susunod na papalit agad kapag may napatay o naaresto!
◘◘◘
GANYAN din sa gambling lord, “generic” ang terminong ito at hindi proper noun.
Kapag may jueteng, gagamitin ang generic name na “Bong Pineda” kung saan matutukoy kung sino ang lider!
◘◘◘
ANG generic name na “Bong Pineda” ay nangangahulugang may tara ang mga heneral, gobernador, mayor at hepe.
Maaaring “mawala sa mundo” ang aktuwal na “Bong Pineda”, pero hindi mawawala ang jueteng!
◘◘◘
KAHIT walang jueteng sa lugar, lihim na iuutos ‘yan ng “generic na heneral” na lagyan dito ng jueteng.
At gamitin ang pangalan na “Bong Pineda”.
Tuloy ang ligaya, imoralidad at intelehensiya!





Comments