top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Edad at kapansanan hindi hadlang | Senior citizens at PWD, puwede nang magtrabaho sa fastfood chains

  • Ryan B. Sison
  • Aug 25, 2019
  • 2 min read

Edad, educational attainment at pisikal na kapasidad.

Ito ang mga katangiang kadalasang hinahanap ng mga employer sa mga aplikante, ngunit, sa kabilang banda, ito rin ang mga dahilan kaya hirap sa paghahanap ng trabaho ang karamihan.

Para sa ilan, kapag lumampas na sa age limit o mababa ang pisikal na kakayahan ng aplikante, siguradong mababa ang tsansang matanggap ito sa kumpanya.

Kaugnay nito, maaari nang magtrabaho ang senior citizen at person with disabilities (PWDs) sa mga sangay ng Jollibee, Chowking, Mang Inasal at Greenwich sa Maynila.

Kamakailan, nilagdaan ni Mayor Isko Moreno ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Jollibee Foods Corp. (JFC) na layong magbigay ng trabaho sa mga residenteng nasa edad 60 pataas at may kapansanan.

Sa ilalim ng MOA, mahigit 80 senior citizens at 39 PWDs, partikular ang mga pipi at bingi ang puwedeng magtrabaho sa 39 branches ng mga nabanggit na fastfood chain.

Gayundin, ang bawat branch ay magkakaroon ng isang PWD employee na maaaring kumita ng hanggang P5,000 kada buwan habang magkakaroon ng dalawang senior citizens na magtatrabaho nang hindi lalagpas sa apat na oras kada araw.

Prayoridad din umano ang mga aplikante na malapit o walking distance lang ang bahay sa branch ng fastfood chain.

Gayunman, maraming netizens ang nag-aalinlangan dahil anila, baka maapektuhan ang serbisyo ng fastfood chain, pero sa totoo lang, magandang oportunidad ito para sa mga kababayan nating gustong maghanapbuhay pero, hindi nabibigyan ng pagkakataon dahil sa kanilang edad o kapansanan.

Kung magiging epektibo at maganda ang resulta nito, mapatutunayan natin ang paniniwalang hindi hadlang ang edad at kapansanan para magtrabaho nang marangal para sa pamilya.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page