RED LIONS, NANAKMAL NG 8TH WINS; BLAZERS, BINIGO

WALO na ang sunud-sunod na panalo ng defending champion San Beda University matapos durugin ang College of Saint Benilde, 88-57, sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre noong Biyernes ng hapon. Hindi pinaporma ng Red Lions ang Blazers na pumapangalawa sa liga bago simulan ang laro.
Nagbago ng diskarte si Coach Boyet Fernandez at hindi isinama si Calvin Oftana sa first 5 ngunit, pareho rin ang resulta at agad siyang nagbuhos ng 11 puntos sa pagpasok niya at tuluyang kinuha ng San Beda ang unang quarter, 20-9.
Dumagdag sa mga suliranin ng Blazers ang pagpapaalis sa laro kay Coach Tyrone Tang matapos mapatawan ng dalawang magkasunod na technical foul, 6 na segundo bago matapos ang unang half.
Rumagasa na ang Red Lions at unti-unting lumobo ang agwat ng dalawang koponan at ang huling 31 puntos ang pinakamalaki sa laro. Bumagsak ang Blazers sa ikalawang sunod na pagkatalo matapos simulan ang taon sa 5-0. Namuno sa panalo si Oftana na may 27 puntos at 9 rebounds. Bumira ng apat na tres si AC Soberano para sa 14 puntos habang may 11 puntos, 7 rebounds at 4 assists si James Canlas Kwekuteye.
Sa pangalawang laro, malugod na sinalubong ng San Sebastian College ang pagbalik ni Coach Edgar Macaraya sa kanilang 107-90 na tagumpay laban sa University of Perpetual Help System-Dalta. Umangat ang Golden Stags sa 4-3 habang bumaba sa 3-6 ang Altas kaya nasayang ang pagbalik ni Coach Frankie Lim matapos lumiban noong nakaraang Martes.
Nagpasabog ng 31 puntos si Allyn Bulanadi, 11 sa una at 11 sa 4th quarter at 9 na rebounds. Sumunod si Alvin Capobres, anak ng dating PBA at MBA player na si Danny Capobres, na may 18 puntos at 5 rebounds.





Comments