Matapos arestuhin | EX-DFA SEC. YASAY, NAOSPITAL
- Mylene Alfonso
- Aug 24, 2019
- 1 min read

NAGPALIPAS ng magdamag si dating Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay Jr. sa Manila Doctors Hospital matapos magreklamo ng pananakit ng dibdib.
Kasama ni Yasay nang isugod sa pagamutan si PCapt. Christopher Estepa, doktor ng MPD.
Gayunman, alas-8:00 ng umaga kahapon ay nagpiyansa si Yasay ng P60,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan para sa kasong paglabag sa Republic Acts 8791 at 7653 o General Banking Law at New Central Bank Act, kaugnay sa pagkakasangkot niya sa maanomalyang loan mula sa Banco Filipino Savings and Mortgages.
Kasamang inisyuhan ng arrest warrant na inilabas ni Judge Danilo Leyva, Presiding Judge of Manila Regional Trial Court Branch 10 sina Maxy Abad, Francisco Rivera, Teodoro Arcenas, Jr., Albert Aguirre, Orlando Samsaon, Adelaida Aduru-Bowman na pawang inirekomendang magpiyansa ng tig-P60,000.
Una nang inaresto si Yasay sa kanyang bahay sa Makati City sa pangunguna ni PLt. Glensor Vallejo.
Bago ang pag-aresto kay Yasay, pumunta sa MPD si Atty. Jonn Irvin Velasques, kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas at humingi ng police assistance para sa implementasyon ng warrant of arrest. Ayon sa records, noong 2001 hanggang 2009 si Yasay at lima pang associates at mga opisyal ng Banco Filipino Savings and Mortgages Bank ay nagsabwatan para makakuha sa Banco Filipino ng loan na aabot sa P350-M para sa Tierrasud Incorporated na may bahaging ginarantiyahan ng isang real property na pag-aari ng Tropical Land Corporation.





Comments