top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Laban para sa kalikasan nina Doc Gerry at Gina Lopez iniwan na sa mga buhay pa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 24, 2019
  • 2 min read

IKA-24 ng Enero 2011, katatapos lang ng pag-uusap nina Doc Gerry Ortega at Gina Lopez ng ABS-CBN Foundation tungkol sa mainit at kontrobersiyal na kampanya ng “10 milyong lagda” upang itigil ang pagmimina sa Palawan, tumuloy si Doc Gerry sa ukay-ukay na nasa tabi ng Veterinary Clinic. Kasalukuyang namimili si Doc Gerry nang lumapit at tahasang itinutok ng isang lalaki sa kanyang ulo ang baril at bigla itong pinaputok. Bumagsak at humandusay ang tapat at matapang na kaibigan ng kalikasan.

Dumating agad sa Puerto Princesa si Gina para dumalo sa burol ni Doc Gerry. Magkasama kami ni Gina sa entablado ng malaking bulwagan kung saan ibinurol si Doc Gerry. Bago nagsimula ang misang pinamunuan ni Obispo Pedro Arigo, nagkaroon ng maikling programa. Sa harapan ng maraming tao, nagsalita si Gina at tinapos ang kanyang talumpati sa mainit na chant na “no to mining in Palawan!” Sinabayan siya ng mga tao hanggang sa paulit-ulit nang isinisigaw ng mga tao roon ang “no to mining in Palawan!” Pagkatapos nito, nagsimula na ang misa.

Bago natapos ang misa, nagsalita ang panganay na anak ni Doc Gerry na si Michaela. Sa dulo ng kanyang pagbabahagi, inihambing ni Michaela ang kanyang ama sa kandila sa madilim na gubat. “Sapat na ang ilaw ng munting kandila upang basagin ang nakatatakot at nakapanghihina na dilim. Ang kandilang ito ay ang ama kong si Doc Gerry Ortega.”

Pagkatapos ng mga imbestigasyon at matagal na paghahanap sa naturang mastermind ng pagpatay kay Doc Gerry, nahuli sa Thailand ang magkapatid na sina ex-Palawan Gov. Joel Reyes at ex-Coron Mayor Mario Reyes noong Setyembre 2015. Nakulong ang magkapatid sa Provincial City Jail ng Palawan, pero pagkaraan ng ilang buwan, nakalaya si Mario Reyes.

Nakadidismaya dahil noong ika-5 ng Enero 2018, ilang linggo lang bago ang ika-8 anibersaryo ng pagpatay kay Doc Gerry, ibinasura ng Court of Appeals ang desisyon ng pangalawang panel ng DOJ na nagbaligtad sa desisyon ng unang panel na nagsabing walang batayan ang akusasyong si Joel Reyes ang mastermind sa pagpatay kay Doc Gerry kaya nakalaya na rin ang dating gobernador.

Tila nawala o nabawasan ng malaki ang liwanag na ibinigay ni Doc Gerry sa Palawan sa pagpapalaya sa mastermind ng pagpatay sa kanya ngunit, sa kabila ng umalingawngaw na sigaw sa burol ni Doc Gerry na “no to mining in Palawan”, lumaki at lumawak ang sigaw na mula mismo kay Gina Lopez na naging kalihim ng DENR at mula rito, narinig natin ang kanyang tinig na “no to mining in the Philippines!” Pero ang nakalulungkot, isang taon lang ang itinagal niya sa kagawaran.

Ngayong patay na sina Doc Gerry at Gina Lopez, nagliliwanag ang dalawang kandila ngunit, iba na ang kanilang isinisigaw, ibinigay na nila ang liwanag ng kanilang buhay sa atin kaya simulan na rin natin ang liwanag para sa kalikasan, para sa tao at para sa Inang Bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page