Estudyante at live-in partner kulong sa droga

TATLONG hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang ang isang estudyanteng babae at kanyang live-in prtner ang arestado sa buy-bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sa nakarating na report kay Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, alas-9:00 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan, Jr. sa Gov. Santiago St., Malinta kontra kay Jade Alfred Parungao, 22, tattoo artist. Nagawang makaiskor sa suspek ni PSSg. Ernesto Lastimosa na nagpanggap na poseur-buyer, ng sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana kapalit ng P150 marked money.
Nang magkaabutan, agad dinamba ni PCpl. Kenneth Marcos ang suspek at narekober sa kanya ang buy-bust money at tatlo pang sachets ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Timbog din ni PCpl. Julius Bernardo ang live-in partner ni Parungao na si Ma. Angela Casagnap, 19, estudyante na kasabwat umano nito sa pagbebenta ng droga.
Ani PSSg. Carlos Erasquin, Jr., narekober ang cellphone na naglalaman ng transaksiyon sa iligal na droga habang arestado rin ni PCpl. Glenn de Chavez si Jomar Valdenor, 42, matapos makuhanan ng sachet ng marijuana.





Comments