RACASA KID, SINIPA AGAD ANG U.S. SA WORLD CADET

MAALIWALAS na pinasulong sa tagumpay ni Antonella Berthe Racasa ng Pilipinas ang puting piyesa kontra sa pambato ng U.S. na si Sophia Zhao sa pambungad na sagupaan sa Girls 12 years old na bracket ng FIDE World Cadet Chess Championship 2019 sa Qilu Wine Culture Creative Industry Park, Anqiu International Sports and Leisure Town ng Weifang, Shandong Province, China.
Dahil dito, kasama na ngayon ang musmos na Pinay chess warrior, may rating na 1380 at kilala rin sa bansag na Tonelle, sa malaking pulutong ng mga nakikisosyo sa trangko sa paligsahan kung saan humahataw din ang mga kaedad niyang kinatawan ng mahigit 50 bansa kabilang na ang Ukraine, Russia, Germany, India, Kazhakstan, Germany, Serbia, Bulgaria, Canada, Mongolia, Italy, Vietnam, Brazil, Uzbekistan, Poland, Sri Lanka, Georgia, Belarus, New Zealand, Thailand, Estonia at ang host China. Ang susunod na haharapin ng 45th ranked na nagdadala ng tatlong kulay ng bansa ay si Woman Candidate Master at 16th seeded Khishigbaatar Bayasgalan mula sa Mongolia.





Comments