top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mayor na convicted rapist at murderer, madaling sabihing nagpakabait pero, patunayan n‘yo!

  • Ryan B. Sison
  • Aug 23, 2019
  • 2 min read

NAPAKAHIRAP mawalan ng mahal sa buhay, lalo na kung ito ay biktima ng karahasan tulad ng rape at murder kung saan makuha man ang hustisya, hindi na maibabalik pa ang buhay na nasayang at mga pangarap na hindi man lang nabigyang katuparan.

Gayunman, nakadidismaya na matapos ang ilang taong kapanatagan dahil kahit sa Bilibid man lang ay nagbabayad ang suspek na si dating Mayor Antonio Sanchez sa pagkamatay ng mga biktimang sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, bigla na lamang mababalitaan na siya ay makalalaya na dahil umano sa kanyang “pagpapakabait”.

Ito ay alinsunod sa Republic Act 10592 kung saan bibigyan ng magandang kapalit ang sinumang preso na magpapakabait dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) na ibinabawas sa sentensiya ng convict.

Samantala, kahit hindi pa pinal ang desisyon ng korte, marami sa mga opisyal ng gobyerno ang tutol dito, ito ay dahil kuwestiyunable pa umano ang ugaling ipinamalas ni Sanchez sa nakalipas na taon dahil kahit noong nasa Bilibid na ito ay ilang beses pa rin siyang gumawa ng katiwalian na may kinalaman sa iligal na droga na puwedeng maging basehan para masabing hindi siya karapat-dapat na makinabang sa nasabing batas.

Bagama’t, may hindi sang-ayon na siya ay mapalaya, ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, dapat siyang bigyan ng “second chance”, ito ay base sa impormasyong sinabi umano sa kanya ng mga officer sa New Bilibid Prison kung saan ang dating sigang mayor ay “naka-lipstick at nakapalda na”, ibig sabihin, hindi na siga kundi mabait at malumanay na.

Sa totoo lang, madaling sabihin na ang partikular na tao ay nagbago o mabait na, pero hindi ‘yun sapat na dahilan para palayain siya kung hindi pa niya gaanong napatutunayan ang kanyang sarili, lalo na sa mga nabiktima niya dahil sila ang higit na nasaktan sa nangyari.

Oo, posible ang pagbabago, pero mas mainam kung ang pagkonsidera rito ay hindi basta-basta, gayundin, patas para sa pamilya ng mga biktima!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page