BONES NG UFC, UNA NA SA P4P MMA RANKINGS

UMAKYAT sa numero-unong posisyon si UFC Light Heavyweight champion Jon “Bones” Jones sa Pound-for-Pound ng UFC at Mixed Martial Arts world rankings habang sumampa nang malaki ang bagong hirang na UFC heavyweight titlist na si Stipe Miocic.
Sa inilabas na P4P rankings noong Lunes (August 19), ang 32-anyos na fighter mula sa Albuquerque, New Mexico ang siyang nangunguna.
Hawak ang record na 25-1, 10 KOs kung saan anim dito ay nagmula sa submissions sa mga panalo kina Thiago Santos, Anthony Smith at Alexander Gustafsson. Si Jones ang pinakabatang UFC champion sa edad na 23 nang kunin niya ang LH title kay Mauricio “Shogan” Rua ng Brazil noong 2011. Nakuha niya ang nag-iisang talo sa isang controversial disqualification laban kay Matt Hamil.
Samantala, noong 2017 ay hinubaran ng titulo si Jones matapos magpositibo sa banned na substance.
Tumuntong sa 4th place si Miocic (18-3), na kamakailan lang ay nabawi ang kanyang heavyweight title kay Daniel Cormier (22-2-1) sa pamamagitan ng 4th round knockout sa kanilang title fight sa UFC 241. Naipaghiganti ni Miocic ang kanyang 1st round lost noong Hulyo 7, 2018 sa kamay din ni Cormier, na bumagsak sa 7th place sa P4P rankings.
Pumangalawa si Lightweight champ Khabib “The Eagle” Nurmagomedov (27-0) ng Russia na huling nasilayan ang husay nang patulugin si Conor McGregor sa 4th round title fight noong UFC 229 noong Oktubre 6, 2018. Muling sasabak ang Russian fighter kay interim champion at number 8 P4P Dustin Poirier sa UFC 242 para sa unification bout ng Lightweight division sa Setyembre 7, 2019 sa Yas Island sa Abu Dhabi, UAE.





Comments