BIR, next na tatalupan sa korupsiyon


TULOY ang giyera kontra korupsiyon!
Bukod sa Bureau of Customs (BOC), target din ng anti-corruption campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon sa pangulo, ilan sa mga revenue examiner ay posibleng sangkot sa mga iregularidad.
Nabubusog daw ang ilang revenue examiners sa pangingikil mula sa mga taxpayer kapalit ng pagpapababa sa tax assessment o pagplantsa sa tax deficiencies.
‘Yung tipong dadaanin sa pag-uusap, sabay areglo at ang ending, lusot si pasaway na taxpayer, paldo si examiner!
Nakadidismaya pero, ganito na ang kalakaran hindi lang sa isa o dalawang ahensiya ng gobyerno.
Ito ‘yung halimbawa ng mga gawaing mali pero, kapag paulit-ulit nang ginagawa, feeling nila ay normal at okay lang.
At kung hindi itatama ngayon, mamanahin lang ng mga susunod na lingkod-bayan ‘kuno’ ang bulok na sistema.
Hindi lang ito tungkol sa mga tiwaling empleyado o opisyal ng gobyerno, para ito sa lahat kaya kung bawal, bawal! Huwag nang daanin sa anumang usapan.
Sa bawat sentimo o bilyong nawawala at ninanakaw mula sa kaban ng bayan, napakaraming pagkakataon ang nasasayang.
Kaya mapalad tayo kung nagpapatuloy ang laban sa korupsiyon at mas magiging matagumpay ito kung tayong lahat ay makikiisa.





Comments