SCORPIONS, PAPOPORMAHIN BA ANG IWALK SA D-LEAGUE?
- BULGAR

- Aug 22, 2019
- 1 min read

MAKOPO ang ikalawang playoff berth sa Group A at muling tumabla sa pangingibabaw ang tatangkain ng Centro Escolar University ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Cubao.
Taglay ang malinis na markang 3-0, panalo-talo, pumangalawa ang Scorpions sa nangungunang quarterfinalist na Marinerong Pilipino na mayroon nang 4-0 baraha.
Makakatapat ng CEU sa unang laro ng nakatakdang double header sa ganap na alas-1:30 ngayong hapon ang baguhang koponang iWalk na susundan ng salpukan ng dalawa pang bagitong teams na Italiano’s Homme at Black Mamba sa ganap na alas-3:30 ng hapon.
Para kay CEU coach Derrick Pumaren, kinakailangang manatiling naka-focus sa laro ang kanyang koponan para makaabot sa kanilang target. “I think we just have to stay focused on our immediate goal, which is to make it to the next round or even make it to the top two,” pahayag ni Pumaren.
Taglay naman ang barahang 2-1 at kasalukuyang nasa ikatlong posisyon ng Group A, magtatangka ang Chargers na manatiling nakaagapay sa mga nangungunang koponan sa pag-asinta ng una nilang back-to-back wins.
Samantala sa huling laro, patas ngayon sa ika-apat na puwesto ng Group B, maghihiwalay ng landas ang magkatunggaling Italiano’s Homme at Black Mamba na may parehas na markang 1-1, panalo-talo. (VA)





Comments