BATANG PINOY SA PALAWAN, READY NA

HANDANG-HANDA na ang Philippine Sports Commission (PSC) para sa nalalapit na pagsambulat ng pinakamalaking palaro sa bansa na 2019 Batang Pinoy National Championships sa Puerto Princesa City, Palawan simula Agosto 25-31.
Mahigit 10,000 atleta, coaches, technical at delegation officials mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang inaasahang lalahok sa 31 sporting activities.
“The PSC is ready for the growing number of delegates that will take part in the games,” paglalahad ni National Secretariat Head Manuel Bitog.
May nakatakdang 10-billeting areas ang tinukoy ng PSC upang pagtuluyan ng 234 Local Government Units na kinabibilangan ng Sta. Monica Elementary School, Sta. Monica High School, F. Ubay Memorial Elem. School, Manuel Austria Memorial Elem. School, Sicsican Elem. School, Sicsican High School, Puerto Princesa Science High School, Palawan National School, Puerto Princesa Pilot Elem. School at San Jose Nat’l High School.
Inaasahan pang magkakaroon ng karagdagang anim na billeting areas na inihahanda para sa akomodasyon ng mga partisipante sakaling kulangin ito.
Ibinalita ni National Secretariat senior member Teresito Fortaleza na nagkaroon na sila ng huling ocular inspection sa mga pagdarausan ng kompetisyon para sa national championships kasama si Puerto Princesa City Sports Director Atty. Rocky Austria ngayong linggo.
Magsasagawa rin ng Children’s Fun Run sa huling araw ng kompetisyon sa Agosto 31, na nag-aasam na aabot sa 8,000 kabataan mula sa iba’t ibang panig ng probinsiya ng Palawan ang lalahok. Pormal nang pinirmahan nina PSC Commissioner Celia Kiram at Puerto Princesa Mayor Lucio Bayron ang isang Memorandum-of-Agreement (MOA) noong Hulyo 26 para sa idaraos na event.





Comments