RACASA, SA FIDE WORLD CADET CHESS, UMAARIBA

SOLONG dadalhin ng musmos na si Antonella Berthe Racasa ang tatlong kulay ng Pilipinas sa gaganaping FIDE World Cadet Chess Championships 2019 simula Agosto 21 hanggang Setyembre 2 sa Qilu Wine Culture Creative Industry Park, Anqiu International Sports and Leisure Town ng Weifang, Shandong Province, China.
Sasagupa ang pambato ng bansa bilang 45th seed sa malupit na G12 na pangkat ng kompetisyong lalahukan din ng mga kinatawan ng mahigit 50 bansa kabilang na ang India, USA, Russia, Ukraine, Kazhakstan, Germany, Serbia, Bulgaria, Canada, Mongolia, Italy, Vietnam, Brazil, Uzbekistan, Poland, Sri Lanka, Georgia, Belarus, New Zealand, Thailand, Estonia at ang punong-abalang China.
Sa pangkat ng mga taga-Timog-Silangang Asya, tatlong Vietnamese entries (no. 21 at Woman Candidate Master Le Cam Hien Nguyen; no. 32 Ha Khanh Linh Nguyen at no. 37 My Linh Vu) ang nasa unahan ng batam-batang Pinay chess warrior na tinatawag ding Tonelle sa rankings ng paligsahang inoorganisa ng Chinese Chess Association.
Sariwa si Racasa, may rating na 1380, sa pagpasok sa top 5 sa bakbakang standard chess at blitz chess ng ASEAN Age Group Chess Championship sa Myanmar noong Hunyo. Malaki rin ang iniangat ng antas ng laro ng premyadong manlalaro ng Homeschool Global.
Noong Oktubre 2016, ang rating lang ni Racasa ay naiposte sa mababang 1086, pero wala pang tatlong taon simula noon ay malapit na rin siyang maging regular na kasapi ng 1400-club.
Ang live rating niya ay minsan nang sumampa sa 1427 (Abril 2019). Sa buong Pilipinas, nasa pang-96 na rin siya sa mga pinakamatinik na lady chesser sa kabila ng kanyang murang edad.





Comments