Paghalik at talsik-laway ng may beke, nakakahawa!

Dear Doc. Shane,
Masakit ang ilalim ng aking mga tainga sa bandang panga at ang sabi ng nanay ko ay baka beke raw ito dahil hindi pa ako nagkakaroon nito. Ano ba ang sintomas ng beke at ano ang gamot para rito? — Jocelyn
Sagot
Ang beke o mumps ay sakit na dulot ng mumps virus. Ang beke ay nakahahawa sa pamamagitan ng mga likido ng taong may beke tulad ng laway. Ito ay maaaring matangay ng hangin bilang droplets at kapag ito ay dumikit o dumapo sa bibig, ilong o mga mata ng tao, siya ay maaaring mahawa. Sa pagsasalu-salo sa pagkain at pakikipaghalikan ay maaari ring mahawa ng beke.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng beke:
Pamamaga ng mga glandula ng laway o salivary glands ang karaniwang sintomas ng beke. Ito ay makikita bilang pamamaga sa tagiliran ng panga at maaaring may kasamang pamumula, kirot at pananakit habang ngumunguya o kumakain.
Maaaring magkaroon ng lagnat at sakit sa ulo.
Sa ibang kaso, maaari ring mamaga ang bayag (orchitis). Ito ay nangyayari lalo na sa mga binata at matandang kalalakihan.
Walang gamot sa beke tulad ng ibang mga virus, ito ay kusang nawawala. Ngunit upang maibsan ang mga sintomas, maaaring magpatong ng “cold compress” sa apektadong bahagi ng panga. Maaari ring uminom ng pain reliever tulad ng paracetamol.
Iwasang kumain o uminom ng maaasim sapagkat ang mga ito ay nakaiirita sa salivary glands na namamaga dahil sa beke.
Magpatingin sa doktor kapag may kakaibang sintomas tulad ng pamamaga ng bayag, paninigas ng leeg, pagbabago sa pag-iisip, madalas na pagkaantok o panghihina at mataas na lagnat sapagkat ang mga ito ay kabilang sa mga komplikasyon ng beke.
Ang Measles and Rubella o MMR vaccine ay mabisang proteksiyon laban sa mumps (beke), measles (tigdas) at rubella (german measles o tigdas). Ang MMR ay karaniwang ibinibigay sa unang kaarawan ng sanggol (1 taon o 12 buwan). May pangalawang turok din na ibinibigay bago pumasok sa eskuwelahan ang bata, sa edad na 4-5. Hindi karaniwan ang beke sa mga matatanda, ngunit kung hindi pa nagkaroon nito, mas magandang magpabakuna na rin kahit matanda na. Siguraduhing may bakuna laban sa beke ang buong pamilya!





Comments