KNIGHTS, MANILA AT PASAY, NAMBIKTIMA SA MPBL


NAGDAGDAG na naman ang San Juan ng isa pa muling biktima noong Lunes ng gabi upang magsilbing perpekto ang kanilang record sa 10 wins sa MPBL Lakan Season Cup habang ipinagpatuloy din ng Manila at Pasay ang winning streaks kasunod ng mga nakaraang panalo sa kani-kanilang karibal sa Cuneta Astrodome.
Dinemolis ng Go-For-Gold-backed Knights ang Cebu Sharks, 86-69 upang palawigin ang kanilang winning streak sa 10 at manatiling tanging unbeaten team sa torneo.
Pinangunahan nina Ex-pros John Wilson at Mac Cardona ang opensa ng Knights, kumuha rin ng solidong laro mula kina Mike Ayonayon at Jhonard Clarito.
Nagpasabog si Wilson ng 23 puntos habang si Cardona ay may 16. Dumagdag si Ayonayon, ang last season’s Finals MVP ng 12 puntos, habang si Clarito ay may 11 points at 10 rebounds para sa Knights kung saan, 10-0 record ang pinakamahusay nilang itinala sa naturang liga.
Nagwagi rin ang Manila at Pasay. Piniga ng Manila Stars ang Valenzuela Classic sa pahirapang 71-66 na panalo. Ika-pitong diretsong panalo na ito ng Stars, na umibayo ng win-loss record sa 9-1 at matibay ang kapit sa solong second spot ng northern division ng torneo. Samantala, ginapi ng Pasay Voyagers ang Rizal 74-69 sa main game nang kunin ng Voyagers ang ikatlong sunod na panalo at pinag-ibayo ang win-loss record sa 6-5. Pinamunuan ang Voyagers ni Axel Inigo, na may 26 points, kabilang na ang 6-of-10 shootings nagtapos ang dalawang players ng double-double performance para sa Voyagers. (MC)





Comments