top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Joma Sison at iba pang lider ng Bayan Muna, buhay-hari, mga miyembro, namamatay sa bundok

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 21, 2019
  • 3 min read

HANGGANG ngayon ay pinag-uusapan pa rin sa social media ang pagkaipokrito ng mga aktibista at komunista.

Ito ay matapos mabisto na ang mga anak ng mga lider ng mga maka-kaliwa at pulahan ay nag-aaral sa abroad at sa elitistang eskuwela­han.

Nariyan ang kaso ni dating Bayan Muna representative Teodoro “Teddy” Casiño, na ang anak ay nag-aaral sa La Salle Greenhills (LSGH), pangmayamang eskuwelahan kung saan ang tuition fee ay higit P200,000 bawat taon.

Masama ang dating ng balitang ito dahil ang Bayan Muna ay palaging nasa likod ng mga rally at protesta laban sa gobyerno. Bu­kambibig ng kanilang mga lider na kakampi sila ng mahihirap kaya sila lumalaban sa estado.

Kaya, paano ipaliliwanag ni Casiño na nag-aaral sa elitistang eskuwelahan ang kanyang anak?

Bakit hindi sa mas mura o pampublikong paaralan niya ipasok ang kanyang anak para matuto ito tungkol sa kahirapan ng kabataang mag-aaral? Ayon sa dating partylist represen­tative, hindi siya ang nagbabayad ng tuition ng kanyang anak at ibang tao raw ang nagbaba­yad nito, ganu’n?

Aba, sino ba ang “ninong” na ito? Isa ba itong negosyanteng nagbigay ng pera para ma­proteksiyunan ang kanyang business mula sa pag-atake ng mga miyembro ng New People’s Army?

Alam ng lahat na kaalyado ng NPA ang Ba­yan Muna. ‘Ika nga ng militar, “front” lang daw ito ng Communist Party of the Philippines-NPA at iba pang komunistang grupo.

Samantala, ang kasalukuyang Bayan Muna representative na si Carlos Zarate ay mayroon din daw anak na nag-aaral sa Italya, pero mas wais si Zarate, tahimik ito sa isyu at hindi tulad ni Casiño na gusto pang kasuhan ng libel ang blogger na si Krizette Laureta Chu matapos ma­bisto ang isyung ito.

Akala siguro ni Casiño, matatakot si Chu sa kanya. Binalikan siya nito, tinawag na ipokrito at sinabing isisiwalat nito nang husto ang pag­ka-bourgeois ni Casiño kapag itinuloy ang pag­sampa ng kaso laban sa kanya.

“Kumusta ang pakape-kape sa Makati Sports Club? Kumusta ang buhay na pa-travel-travel habang ‘yung ibang bata, pa-travel-tra­vel papuntang bundok?” dagdag pa ni Chu.

Sinabi rin ni Chu na ang grupo ni Casiño ang dahilan ng kasalukuyang pagdurusa ng mga ina matapos daw ma-recruit ang kanilang mga anak ng Bayan Muna.

Nalaman sa pagdinig ng Senado na mara­ming estudyante ang tina-target ng mga ito para madagdagan ang bilang ng kanilang kadre.

Aktibo raw sa mga pampublikong eskuwe­lahan sa University Belt ang mga “recruiter” na nagpapakilalang lider daw ng League of Filipino Students, Kabataan Partylist, Anak Bayan at iba pa.

Nilalason ng mga aktibista ang pag-iisip ng mga mag-aaral sa maling ideolohiya ng ko­munismo.

Nabanggit sa Senado kung paano nagbago ang ugali ng mga estudyante matapos ma-recruit ng CPP-NPA. Umalis ng bahay ang mga ito, ipinagkanulo ang mga magulang at piniling mag-full time na aktibista kaysa tapusin ang ka­nilang pag-aaral habang ang iba ay namun­dok.

Sa kabila nito, ang mga anak ng mga lider ng Bayan Muna na nag-recruit sa kanila ay ibang-iba ang buhay na tinatamasa. Nakakapag-aral ang kanilang mga anak sa mga elitistang esku­we­lahan at sa abroad.

At huwag kayo, nakatira ang mga lider ng maka-kaliwang grupo sa magagarang bahay sa mga eksklusibong subdibisyon, maganda ang mga kotse, may resthouse pa sa probinsiya at regular na pumupunta sa US at Europa, ibang klase talaga!

Huwag tayong lumayo sa numero-unong ipokrito sa mga komunista, si Jose Maria ‘Joma’ Sison. Ilang dekada nang nakatira sa The Ne­ther­­lands si Joma, painum-inom ng wine, pa-party-party habang ang kanyang mga miyem­bro ay na­mamatay sa bundok.

Ito ba ang bayani ng mga aktibista, si Joma na taga-Utrecht?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page