top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

3RD TITLE, NATUSOK NI ORBETA SA MALAYSIA

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 21, 2019
1 min read

BULLSEYE na naman para kay Lovely Mae Orbeta. Nakuha ni Orbeta, tinaguriang “Poster Girl” ng Philippine Darts, ang ikatlong sunod na titulo sa Southeast Asia Tour Darts Championships sa Sabah, Malaysia nitong weekend.

Ang 14-anyos na high school student ng Lakandula High School sa Tondo ay nanalo laban kay veteran Angelyn Detablan, 2-0, sa isang all-Filipina final upang muling masungkit ang kampeonato.

Ito ang ikatlong dikit na kampeonato ni Orbeta matapos manalo sa Stage 1 sa Malaysia noong Abril at Stage 2 sa Malaysia rin noong Hulyo.

“Salamat po sa Diyos. Talagang ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para manalo,” pahayag ni Orbeta, na mainstay ng star-studded Amber’s Best darts team ni long-time darts official Frida Morelos.

“Masaya akong makapag-uwi ng karangalan sa ating bansa, pati na sa aking eskuwelahan (Lakandula), na talagang sumusuporta sa akin,” dagdag pa ni Orbeta, na mas kilala sa tawag na “Bebang” sa local at international darts circuit. Magandang bawi ito para kay Orbeta, na dati nang natalo kay Detablan sa kanilang unang sagupaan —ang Erap Cup 2016 sa Philippine Columbian Association sa Paco, Manila noong Hunyo 2016.

Sa Sabah, walang nakapigil kay Orbeta. Winalis ng Filipina champion sina Brenda Foo ng Singapore, 2-0, sa quarterfinal round at Ong Jhou Li ng Malaysia sa semis.

“Talaga namang pinaghandaan niya (Bebang) ‘yung laban. Bilib ako sa lakas ng loob ng batang ito. Malayo ang mararating niya,” sabi ni Jeffrey Roxas, na unang nakatuklas kay Orbeta noong nagsisimula pa lang ito sa edad na 10 sa Gagalangin, Tondo. (MC)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page