2 govt. projects na lumusot kahit sablay sa bidding, lagot sa COA

“OVERAGED trying hard name-dropper.” Natawa tayo nang mabasa natin ito. Ito ang tweet ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon bagama’t, hindi tinukoy, may ideya tayo kung sino ang pinatatamaan nito.
Akala natin, tapos na ang isyu, pero tila hindi pa rin nito maintindihan ang desisyon ng Comelec sa kanyang pagiging kinatawan ng partylist ng kabataan, ayaw nitong tanggapin kahit malinaw na lampas na ang kanyang edad para maging representative ng kabataan.
Kung anu-ano ang paratang ni Ronald Cardema laban kay Commissioner Guanzon. Sinasabi nitong nangikil daw ang commissioner sa kanya para sa ilang pabor.
Nanawagan pa ito sa Korte Suprema at kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan siya, pero nagsalita ang Palasyo na hindi sila makikialam sa nagaganap sa dalawa at hindi raw dapat kinakaladkad ni Cardema ang pangalan ng pangulo. Kung may ebidensiya siya ng mga paratang ay magsampa na lang siya ng kaso. Malamang, nag-iingay lang ito nang husto hanggang sa may maawa sa kanya.
◘◘◘
Sinita ng Commission on Audit (COA) ang kontrata ng Kaliwa Dam Project kung saan ang dalawang nakalistang sumubasta sa nasabing proyekto ay tila inilagay lamang para makapasa sa kondisyon ng gobyerno hinggil sa pagbigay ng kontrata sa mga kumpanya.
Ayon sa COA, ang ibinigay na bid ng kumpanya ay mas mataas sa itinalagang halaga ng gobyerno para sa proyekto.
Samantala, ang isa naman ay inaprubahan kahit kulang ang mga requirements para magbigay ng bid sa proyekto kaya nanalo ang isa sa tatlong kontraktor na taga-China.
Pag-aaralan daw ng Palasyo ang nasabing kontrata. Aba, dapat lang at sana ay hindi magalit o pag-initan na naman ni Pangulong Duterte ang COA.
Trabaho ng COA ang suriin, himayin ang mga gastusin o gagastusin ng gobyerno para sa mamamayan. COA ang nagbabantay kung paano ginagastos ang pera ng bayan kaya dapat lang silang suportahan.





Comments