P30 bilyong kita sa STL na kinurakot ng mga opisyal ng PCSO, bawiin!

CARDEMA, TABLADO KAY P-DUTERTE — Tinabla ng Malacañang ang paghingi ng tulong ni ex-National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema kay P-Duterte na gumawa ito ng aksiyon laban kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon para maupo na siya bilang representative ng Duterte Youth Partylist.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang pakialam si P-Duterte sa problemang kinakaharap ni Cardema at ng Duterte Youth Partylist sa Comelec, aruy!
◘◘◘
HINDI BA ALAM NI BELGICA NA BAWAL TUMANGGAP NG “GIFTS” SA PUBLIKO ANG MGA GOV’T. WORKERS? — Sabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, hindi masamang tumanggap ng regalo ang mga gov’t. workers basta ang “gifts” ay hanggang P100K lang.
Naturingang PACC commissioner si Belgica, eh, hindi pala niya alam na may batas na “RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees” na bawal sa mga gov’t. workers ang tumanggap ng “regalo” sa mamamayan kapalit ng kanilang trabaho sa pamahalaan, period!
◘◘◘
DEFENSE SEC. LORENZANA, PALABAN VS. CHINA, PERO ATRAS KAPAG NAGBALIK-MALACAÑANG NA SI P-DUTERTE—Habang busy si P-Duterte sa paper works, nagpapaka-anti-China si Defense Sec. Delfin Lorenzana kasi panay banat nito tulad ng pambabatikos sa pagdaan ng mga Chinese warship sa West Philippine Sea (WPS) at pagpuna sa pagdagsa ng mga manggagawang Chinese sa bansa na baka raw “spy” ang mga ito ng China sa Pilipinas.
Akala mo totoong palaban na si Sec. Lorenzana, pero kapag bumalik na sa Malacañang si P-Duterte, pro-China naman ang defense secretary, boom!
◘◘◘
BAWIIN ANG P30 BILYON SA MGA “BUWAYANG” PCSO OFFICIAL, EX-GENERAL AT STL CON JUETENG LORD—Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na mula noong 2017 hanggang 2018, higit P30 bilyon daw na kita ng STL (small town lottery) operations ang missing sa kaban ng PCSO.
Dapat na talagang gumamit ng kamay na bakal sa isyung ito si P-Duterte para ang pera na dapat ay laan sa mahihirap na humihingi ng tulong sa PCSO ay mabawi sa bulsa ng mga “buwayang” PCSO official, ex-general at mga kasabwat nilang STL con jueteng lord, period!





Comments