top of page

4 na L na makakatulong sa tagumpay ng kabataan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 20, 2019
  • 2 min read

“Lead by example, Live with passion, Learn new things, Love challenges.”

Noon pa man, ito ang ating paninindigan para sa sarili. Hindi madali at mabilis ang pro­seso upang makamit ito ngunit, kung susubukan ay epektibo naman anuman ang pinagka­ka­aba­lahan, kasarian, edad at katayuan sa buhay.

Sa pagkakataong ito, nais nating bigyan ng panghihikayat at paratingin ito sa mga kabataan para sa kanilang edukasyon at pagtatapos ng pag-aaral.

Ang apat na Ls na ito ay magsisilbing gabay upang sila ay maging handa sa anumang hamon at pagsubok na dumarating. Ito ay munting paalala na makatutulong sa kanilang sarili, kapwa, lipunan at higit sa lahat, sa trabahong kanilang papasukan sa hinaharap sa pamama­gitan ng magandang edukasyon, integridad at moralidad.

Sa kabila ng iba’t ibang suliranin na patuloy na dumarating sa buhay, naniniwala tayo na marami pa ring maaaring paghugutan ng inspirasyon upang maging inspirasyon din sa iba.

Kapag sinabing Lead by example, ang simpleng pagsunod sa batas-trapiko at tamang pagtapon ng basura ay napakahalaga. Anuman ang inyong ginagawa, sikaping maging mabu­ting ehemplo sa iba, lalo na sa mga susunod na henerasyon.

Huwag ding kalimutan: Live with passion. Napakaraming oportunidad at pagkakataong madiskubre ang bagay na gusto para sa sarili habang bata pa.

Kapag nahanap na ito, lalo nating mahalin at pagsikapang pagbutihin ang ating gina­gawa. Importante rin ito lalo na kung tayo ay sasabak na sa trabaho dahil kailangan ang sipag, lakas ng loob at determinasyon na mas matuto pa lalo.

Pangatlo ay Learn new things. Huwag ma­takot na sumubok ng kakayahan o kasanayang hindi pa nararanasan. Maging adventurous sa positibong mga bagay.

Maaaring mag-aral ng ibang lengguwahe tulad ng French, Korean, Nihongo o mag-enroll sa cooking, anumang hilig na isports o maging sa photography class.

Ang mga dagdag-kaala­mang ito ay maka­tutulong sa atin na maging mahusay bilang indibidwal.

At ang panghuli, Love challenges. Noong tayo ay mayor pa ng Lungsod ng Valenzuela, hinamon natin ang ating sarili sa tulong na rin ng mga kawani ng city hall na gawing progre­sibo ang lungsod.

Sa ating paniniwala na ang edukasyon ang matibay na panlaban sa kahirapan, sinigurado nating libre at maganda ang edukasyon sa mga pampublikong paaralan sa kolehiyo.

Bilang lingkod-bayan na tagasulong ng edukasyon at mamamayan ng ating bansa, lubos nating pinahahalagahan na makapama­hagi ng mabubuting aral at pag-asa sa susunod na henerasyon sa lahat ng pagkakataon.

Para sa mga mag-aaral, palaging tatandaan na patuloy lamang gawing inspirasyon sa pag-aaral ang mga pangarap sa sarili.

Maging mabuting ehemplo rin sa mga ka­klase at huwag kalimutang kumalinga sa mga kababayang nangangailangan.

Kailangan ng ating bayan ang mga tulad ninyo para lalong umasenso, sumigla at maging progresibo ang ating bansa.

Darating ang tamang panahon, lahat ng ating mga karanasan ay magsisilbing inspirasyon din sa iba pang kabataan na mangangailangan nito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page