Scholarship sa mahihirap na estudyante


SA ilang taong serbisyo ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), pursigido ito na masunod ang adhikaing masolusyunan ang kahirapan ng mga maralitang Pilipino. Marami pang nais gawin ang Komisyon upang mas bumaba ang porsiyento ng mga naghihirap sa ating bansa.
Tanong: Magandang araw, Chairman Alvin, bilang solo parent ay nais kong mabigyan ng edukasyon ang aking dalawang anak na gustong makapag-aral sa kolehiyo. Kung hihingi kami ng tulong sa inyo, ano ang maibibigay ninyong tulong sa amin? Maraming salamat.
Sagot
Maraming salamat sa inyong katanungan. Marami na kaming nabigyan ng tulong at kasama rito ang pang-edukasyon ng kabataan. May mga partner tayong ahensiya kung saan nagbibigay sila ng tulong sa edukasyon. Ang TESDA ay maaasahan natin kung nais ninyong maging iskolar ang inyong anak. Nagbibigay sila ng libreng training sa mga nais mag-aral at matuto ng iba’t ibang skills na siguradong magagamit ninyo sa trabaho. Maaari kayong magtungo sa aming opisina upang magabayan kayo kung paano mapapasali sa mga magiging iskolar.
Isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ng PCUP ay kung paano mabibigyan ng solusyon ang kakulangan sa edukasyon ng mga maralitang kabataan. At marami na tayong hinihingian ng tulong para rito.
Sa kasalukuyan, nakikiisa na ang Komisyon sa mga pribadong kumpanya para mas dumami ang tulong na ating mapaaabot sa mga maralitang Pilipino at mas mabigyan tayo ng mga iba pang paraan hindi lang sa usaping pang-edukasyon kundi pati na rin sa pangkabuhayan.
Ang mga maralitang Pilipino ay hindi nag-iisa. Maaasahan ninyong ang PCUP ay laging narito para magbigay ng serbisyong inyong kailangan.
Kung kayo ay mayroong katanungan, suhestiyon o ihihingi ng tulong, maaari kayong magtungo o sumulat sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City o mag-email sa pcup.media2019@gmail.com o mag-message sa ating Facebook page na @PCUPOfficial.





Comments