top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

PILIPINAS SA 3X3, MAY IBUBUGA PARA SA FIBA WORLD TOUR

A. Servinio
Aug 19, 2019
1 min read

SIGURADONG hindi magpapahuli ang mga pambato ng Pilipinas sa 3X3 laban sa napipisil na malakas na kalaro buhat sa ibayong dagat sa pinakaunang Chooks To Go FIBA 3X3 Manila Challenger ngayong Setyembre 7 at 8 sa SM City Fairview. Nakatutok ang pansin sa Pasig Chooks (Gold’s Gym Pasig), Balanga Chooks (Wilkins Balanga Pure) at Isabela City Chooks (Phenom Basilan CTC Construction) na nais makakuha ng tiket patungo sa FIBA 3X3 World Tour Masters sa Jeddah, Saudi Arabia sa Oktubre 18.

Ang mga koponang banyaga ay pangungunahan ng Riga Ghetto ng Latvia, ang kasalukuyang pangalawa sa 2019 FIBA World Tour puntos. Sasamahan sila ng mga kapwa bigatin #6 Amsterdam ng Netherlands, #15 Gagarin ng Rusya, #18 Kranj ng Slovenia, #19 Humpolec Bernard ng Czech Republic, Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia at tatlo hanggang pito pang dagdag na ihahayag bago magsimula ang torneo.

Noong Abril, matagumpay na ginanap ang unang Chooks-To-Go Asia Pacific Super Quest sa SM Megamall na pinagwagian ng Tokyo Dime ng Japan kontra sa Balanga. Ang parating na FIBA Challenger ay mas mataas na uri ng palaro kaya ito na ang pinakamalaking torneo ng 3X3 sa Pilipinas ngayong taon.

Samantala, may pagbabago sa kalendaryo ng mga koponan at ang Pasig na ang sasali sa Xiongan Challenger sa Tsina sa Agosto 23 kapalit ng Balanga. Pasok na rin ang Balanga sa Jeddah Masters sa halip ng Isabela City. Maliban sa FIBA 3X3 World Tour, naglaro din ang isa pang koponan, ang Zamboanga Valientes MLV sa National Basketball League Street Hustle International Series sa Melbourne, Australia nitong Agosto 17 at 18. Nagtapos sa pang-lima ang Valientes sa Chooks 3x3 Patriots Cup.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page